PATAY ang dating alkalde ng Basilan, bodyguard nito at isang security guard sa pamamaril bago ang graduation ceremony sa Ateneo de Manila University sa Quezon City, Linggo ng hapon.
Sa isang mensahe ni Ateneo VP for Admin Rudy Ang: “3 confirmed deaths: mayor of Basilan, her bodyguard, and one of the Ateneo security guards at Gate 3, who tried to stop the shooter. Mayor’s daughter, who was one of the graduates, is in the hospital in critical condition. Shooter has been captured.”
Kinilala ang nasawing dating alkalde na si Rose Furigay habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kanyang bodyguard at ng Ateneo de Manila security guard.
Nasukol naman ng mga tauhan ng QCPD ang suspek na si Ramil Nicomedez, taga-San Jose del Monte, Bulacan.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), pasado alas-2:55 ng Linggo ng hapon nang maganap ang pamamaril sa Ateneo Gate 3 bago ang mismong graduation ng Ateneo law students.
Sa inisyal na report kay QCPD Director PBGen Remus Medina, ang gunman na umakyat pa sa pader ng Varsity Hills Subdivision sa harapan ng barangay hall ng Loyola Heights at tumakbo sa gate ng village saka sumakay sa getaway vehicle pero nakorner ito ng mga awtoridad sa Esteban Abada St. sa Aurora Blvd.
Ayon naman kay Atty. Brian Hosaka, tagapagsalita ng Supreme Court (SC), ligtas si Chief Justice Gesmundo na guest speaker sana sa graduation ceremony dahil nasa transit pa ito nang maganap ang pamamaril.
Sa Twitter post naman ng Guidon, ang official student publication ng Ateneo De Manila University, dahil sa pamamaril ay ni-lockdown ang campus at pansamantalang kinansela ang graduation rites na sisimulan dapat ng alas-4:00 ng hapon. (LILY REYES)
