PAMPANGA – Nadakip sa ikinasang law enforcement operation ng Philippine National Police si Rodolfo Salas alyas Kumander Bilog, kilalang lider ng Communist Party of the Philippine-New People’s Army, nitong Martes ng umaga sa lalawigang ito.
Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PNP chief, P/Gen. Archie Gamboa, ng mga tauhan ng Central Luzon Police, dinakip si Salas, mas kilala sa tawag na Kumander Bilog, sa utos ng Manila Regional Trial Court dahil sa kasong murder at nahulihan ng baril.
Nabatid na ang 72-anyos na si Salas, dating lider ng CPP, ay kabilang sa 38 katao na iniutos ng Manila RTC Branch 32, na dakpin noong nakaraang taon dahil sa kasong pagpatay at walang piyasang inirekomenda ang korte.
Si Salas, residente ng Doña Carmen St., Mountainview, Balibago, Angeles City, Pampanga, ay nadakip ng mga tauhan ni P/Col Calixto sa bisa ng warrant of arrest para sa 29 counts ng murder, dakong alas-5:30 ng umaga sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa mga awtoridad, nakumpiska mula kay Salas ang .45 kalibreng baril, 174 piraso ng iba’t ibang uri ng mga bala at dalawang magazine para sa .45 caliber pistol.
Si Salas ay unang nadakip noong 1986 ngunit pinagkalooban ng amnestiya ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong 1992. (JESSE KABEL/ELOISA SILVERIO)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)