TARGET ni KA REX CAYANONG
SA gitna ng maiinit na usapin sa tinatawag na budget insertions, umangat muli ang pangalan ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin.
Sa isang panayam, tahasan niyang inangat ang boses para ipagtanggol si Adrian Bersamin, dating undersecretary ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO), laban sa mga alegasyong isinasangkot ito sa anomalya.
At sa pagbigkas ng dating ES, malinaw ang kanyang tindig, hindi nararapat na idawit si Adrian sa anomang masamang isyu.
Maraming ulit nang nakita sa pulitika ang “guilt by association”, isang kalakaran kung saan ang pangalan ng sinoman ay madaling madungisan dahil sa koneksiyon, hindi dahil sa katotohanan.
Ganito ang nangyayari ngayon kay Adrian.
Ayon kay dating ES Bersamin, napakabait, matino, at masipag na lingkod-bayan ang kanyang apo sa tuhod.
Wala raw puwang na isiping papasok ito sa mga gawaing laban sa batas o laban sa integridad ng serbisyo publiko. Ang pagdadawit sa kanya, ayon sa nakatatandang Bersamin, ay hindi lamang mali, isa itong uri ng kawalang-katarungan na dapat ituwid.
Hindi rin malayong isipin na ang pagkawala ng dating ES sa Malacañang ay maaaring may kaugnayan sa isyu.
Bagama’t hindi niya ito diretsong sinisi, malinaw ang pahiwatig na maaaring may mga puwersang gumalaw upang ilapit ang intriga sa kanilang pamilya.
Sa ganitong konteksto, mas tumitingkad ang pangangailangan para sa patas at malalim na imbestigasyon, hindi para magturo ng sisisihin, kundi para malinawan ang sambayanan sa tunay na nangyari.
Naging mitsa ng kontrobersiya ang pahayag ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson, na may dalawang opisyal umano ang gumamit pa ng pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang makapagpasok ng budget insertions sa 2025 national budget.
Binanggit niya sina dating Education Usec. Trygve Olaivar at Usec. Adrian batay sa impormasyon mula kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.
Ngunit ang tanong, sapat ba ang mga impormasyon, o ito ba ay bahagi lamang ng mas malawak na pulitikal na gulo na karaniwang lumalabas tuwing budget season?
Aba’y sa huli, ang isang bagay ang dapat manatili ay ang prinsipyo ng due process.
Hindi sapat ang alegasyon upang sirain ang pangalan ng isang tao, lalo na kung walang ebidensya o pormal na hatol.
Ang mabilisang paghuhusga ay hindi naglilingkod sa interes ng bayan kundi nagiging instrumento lamang ito ng intriga at pamumulitika.
Kaya naman, makatarungan lamang na pakinggan ang panig nina Usec. Bersamin at ES Bersamin, suriin ang mga akusasyon nang walang kinikilingan.
40
