KINONDENA ng youth organization na Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) ang bagong ordinansa ng Lungsod ng Maynila na nagbabawal sa pagsusuot ng balaclava, face mask, helmet, bonnet, at hoodie sa mga tanggapan ng gobyerno at commercial establishments.
Ayon sa ordinansa, kailangang alisin ng mga papasok sa mga opisina at establisimyento ang anomang pantakip sa mukha. Pinag-utos din na ang mga motorcycle rider at angkas nito ay tanggalin ang helmet kapag bumaba ng motorsiklo.
Iginiit ni Mayor Isko Moreno Domagoso na layunin ng panukala na maiwasan ang krimen at mapadali ang pagkakakilanlan sa mga suspek. Ngunit ayon sa SPARK, malabo ang ilang probisyon ng ordinansa at posibleng magdulot ng profiling at harassment.
Babala ng grupo, ang Anti-Balaclava Ordinance ay maaaring maging instrumento ng pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao.
Sa ilalim ng ordinansa, ang sinomang lalabag ay maaaring pagmultahin ng P1,000 hanggang P5,000, makulong nang hanggang 15 araw, at posibleng makansela ang driver’s license ng mga motoristang hindi susunod.
52
