BINALAAN ng mga eksperto ang publiko upang manatiling maingat dahil posibleng sumipa ang kaso ng COVID-19 matapos ang kapaskuhan.
Base sa pagtaya ng University of the Philippines OCTA Research Group posibleng pumalo na sa kalahating milyon ang kaso ng COVID-19 sa bansa pagdating ng katapusan ng taon.
Ito ay dahil inaasahan na ang pagdami ng kaso ngayong holiday season.
Ayon kay OCTA Research team Dr. Guido David, batay sa kanilang trajectory, posibleng umabot sa 475,000 hanggang 500,000 ang COVID-19 cases sa katapusan ng Disyembre.
Hindi aniya maiiwasan ang mga selebrasyon, pagtitipon-tipon o family gathering na posibleng maging dahilan ng hawaan ng virus.
Dumami rin aniya ang mga taong lumalabas ngayon o nagpupunta sa mga mall para mamili.
Kasabay nito, nagpaalala si David sa publiko na mahigpit pa ring ipatupad ang health protocols lalo na’t malapit nang maka-recover ang Pilipinas.
Patuloy rin ang paalala ng pamahalaan na panatilihin ang pagsunod sa Mask, Iwas, Hugas campaign.
