F2, ITUTULOY ANG PANALO

dindi12

(NI JOSEPH BONIFACIO)

LARO NGAYON:

(IMUS SPORTS CENTER)

2:00 P.M. – STA. LUCIA VS PLDT

4:00 P.M. – F2 LOGISTICS VS FOTON

 

IMUS CITY — Hahablot ang F2 Logistics ng ikatlong sunod na panalo sa pakikipagtipan sa Foton sa Philippine Superliga All-Filipino Conference ngayon sa Imus Sports Center dito.

Pipilitin ng Cargo Movers na maituloy ang kanilang winning run kontra Tornadoes sa alas-4:00 ng hapong laro.

Bago ito, maghaharap muna ang PLDT Home Fibr at Sta. Lucia na reresbak mula sa nakaraang kabiguan sa alas-2:00 ng hapong sagupaan.

Dahil sa presensiya ni Kalei Mau, nagparamdam ng lakas ng Cargo Movers sa liga.

Sa unang laro ng dating Arizona standout, nagdeliber ito ng 17 points nang pangunahan ang Cargo Movers sa impresibong 25-15, 27-25, 25-22 win kontra PLDT.

At nasiyahan si F2 Logistics coach Ramil de Jesus sa kanyang nasaksihan, lalo na’t madaling nag-blend si Mau sa mga dating La Salle stars na sina Aby Marano, Dawn Macandili, Ara Galang, Kianna Dy at Majoy Baron.

“Not bad for a first timer,” lahad ni De Jesus, umakay sa Lady Spikers sa 11 titulo sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

“She’s still making some adjustments in training. The good thing is that she’s very open to suggestions and she’s willing to adjust,” dagdag pa ni De Jesus patungkol kay Mau.

Sa kabilang banda, ang Foton ay sisikaping makarekober mula sa 25-22, 24-26, 19-25, 16-25 loss sa Generika-Ayala noong Huwebes.

Inaasahan ding magbibigay ng sakit ng ulo sa F2 ang magkapatid na Dindin Santiago-Manabat at Jaja Santiago, umiskor ng 19 at 14 sa Foton.

At handa namang harapin ng tropa ni De Jesus ang hamon na ilalatag ng Foton.

“Foton is a tall team. It won’t be an easy match for us,” ani De Jesus.  “But the good thing is they already played two matches. We can scout Foton’s movement.”

233

Related posts

Leave a Comment