HINDI pipilitin ng Department of Education (DepEd) ang mga magulang kung ayaw ng mga itong papasukin ang kanilang mga anak sa face-to-face classes sa mga lugar na kinukonsiderang low-risk sa COVID-19 infections.
Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones, na may choice ang mga magulang na gumamit na lamang ng blended learning para makapag-aral ang kanilang mga anak.
At kung wala namang access sa internet ay mayroon naman aniyang telebisyon at radyo kung saan matututo ang mga estudyante. Aniya pa, kung wala pa ring telebisyon o radyo ang pamilya, dito na papasok ang modular system ng DepEd kung saan idedeliber ang reading materials sa bahay ng mga bata.
Sa kabilang dako, ipinaalala naman ni Sec. Briones na hindi lahat ng low-risk areas ay maaaring magbalik sa physical classes dahil ang mga makasusunod lamang sa requirements ang papayagan at dapat ding mahigpit na ipatupad ang health protocols laban sa COVID-19 at mayroong koordinasyon sa local government units at health officials.
Samantala, nakatakda pa ring magbukas ang klase sa Agosto 24 kung saan mayroong learning delivery options ang mga eskwelahan. (CHRISTIAN DALE)
172
