(NI DANG SAMSON-GARCIA)
GINISA sa joint hearing ng Blue Ribbon Committee, kasama ang Committees on Justice and Human Rights, Constitutional Amendments and Revision of Codes, Public Order and Dangerous Drugs at Finance hinggil sa implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law si Bureau of Corrections Director General Nicanor Faeldon, kasabay ng pag-amin na pinirmahan ang ‘release orders’ ni dating Calauan mayor Antonio Sanchez.
Partikular na nadiin si Faeldon sa pagpapalaya sa mga responsable sa panggagahasa at pagpatay sa Chiong Sisters at sa muntik nang pagpapalabas kay dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.
Sa pagtatanong ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, inamin ni Faeldon na siya ang nakalagda sa memorandum para sa release order kay Sanchez subalit iginiit na hindi ito isang release order bagkus ay kautusan lamang upang simulan ang proseso ng pagreview sa records ng dating alkalde.
Sa puntong ito, ipinakita naman ni Lacson ang memorandum for release sa mga killers ng Chiong Sisters na nilagdaan naman ni Corrections Technical Chief Supt. Maria Fe Marquez na ginamit para sa paglaya ng mga ito.
“Anong difference ng dalawang ito?” tanong ni Lacson na hindi naman nasagot ni Faeldon.
Sa kabilang dako, nanindigan si Faeldon na siya ang pumigil sa posibleng paglaya ni Sanchez.
“You stopped his release because galit na galit na ang mga tao,” diin naman ni Senador Richard Gordon kay Faeldon.
“Did you check if Sanchez had any remorse about his crimes? Kung hindi, tau-tauhan ka lang diyan. Wala ka man lang discretion,” dagdag pa nito.
“Ikaw ngayon ang tanging taong makakapagpalaya o magpuputol ng sentensya. Kawawa yung mga taong pinatay, yung mga pamilya nila,” patuloy pa ng senador.
