CAVITE – Patay ang isang 39-anyos na caretaker ng farm nang barilin ng isang Bantay Bayan matapos sawayin dahil sa kalasingan sa Trece Martires City noong Huwebes ng hapon.
Isinugod sa Gentri Medical Center ang biktimang si alyas “Michael”, ng Brgy. De Ocampo, Trece Martires City dahil sa tama ng bala sa katawan mula sa ginamit na .22 kalibreng baril ng suspek na si alyas “Elmer”, 44, isang Bantay Bayan, ng Brgy. De Ocampo, Trece Martires City,
Ayon sa ulat, sinaway ng suspek ang biktima dahil sa kalasingan na minasama ng huli na nauwi sa mainitang pagtatalo dakong ala-1:00 ng hapon sa Brgy. De Ocampo, Trece Martires City.
Tinangkang atakehin umano ng biktima ang Bantay Bayan dahilan upang barilin nito gamit ang .22 kalibreng baril.
Dinala ang biktima sa ospital subalit namatay ito habang nilalapatan ng lunas dahil sa tama ng bala sa ulo at dibdib, habang ang suspek ay nadakip ng mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation.
(SIGFRED ADSUARA)
