FDA approval, hindi na nahintay CALOOCAN, VALENZUELA UMORDER NA NG COVID VACCINE

LUMAGDA na sa kasunduan si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan sa British-Swedish multinational pharmaceutical and biopharmaceutical company AstraZeneca para sa advance purchase ng COVID-19 vaccine para sa mamamayan ng Caloocan, ayon sa paskil ng alkalde sa social media noong gabi ng Enero 10.

Ang naturang hakbang ay taliwas sa naunang pahayag ng alkalde na ang pamahalaang lungsod ng Caloocan ay hindi bibili ng bakunang hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) at maghihintay muna ng panuntunan mula sa pambansang pamahalaan.

“Matagal na tayong nakipag-ugnayan sa pamamagitan ng pagsulat sa pharmaceutical companies para masiguro na makakakuha tayo ng bakuna tulad ng Pfizer at AstraZeneca, subalit hihintayin pa rin natin kung anuman ang aprubadong bakuna mula sa Food and Drug Administration at ng national government,” naunang sinabi ng punong lungsod.

Sa kanyang bagong pahayag, sinabi ni Malapitan, hindi bababa sa 600,000 doses ang bibilhin ng pamahalaang lungsod ng Caloocan sa AstraZeneca bilang bahagi ng COVID-19 vaccination program ng lungsod.

“Tuluy-tuloy ang ating paghahanda para sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19. Nakikipag-ugnayan tayo sa mga pharmaceutical company upang matiyak na makakakuha tayo ng bakuna ‘pag ito ay aprubado na ng Inter-Agency Task Force at Food and Drug Administration,” ani Malapitan.

Samantala, noong gabi rin ng Enero 10, nagpaskil din sa social media ang Valenzuela City na nakipagkasundo na rin ang pamahalaang lungsod sa AstraZeneca para sa advance purchase ng 640,000 dosis ng AstraZeneca vaccine bagama’t hindi pa arpubado ng FDA.

Naghahanda na rin ang pamahalaang lungsod para sa Valenzuela City Vaccine Roll-out Plan.

Napipintong mabakunanahan ng AstraZeneca vaccines ang 320,000 indibidwal, o 70% ng target population ng lungsod. Hindi kasama sa mababakunahan ang mga residenteng may edad 18-anyos pababa.

Inaasahang darating ang mga bakuna sa Valenzuela mula Hulyo 2021. (ALAIN AJERO)

203

Related posts

Leave a Comment