TATLONG sports personalities kabilang ang dalawang itinuturing na legend sa Philippine sports, ang sasalang sa pagbabalik ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ via Zoom, ngayong (Huwebes) 10 ng umaga.
Tatalakayin ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner at chief of mission sa 31st Southeast Asian Games Ramon Fernandez ang tungkol sa naging performance ng mga pambansang atleta sa Hanoi, Vietnam.
Ibabahagi ni PSC Commissioner Charles Raymund Maxey ang mga nakalinyang programa ng ahensya partikular ang ‘Sports for Peace’ sa Mindanao.
At ihahayag ni newly elected Congressman at swimming icon Eric Buhain ang kanyang mga plano, lalo sa sports, sa 1st District ng Batangas.
Pinalitan ni Buhain, SEA Games record holder, Olympian, dating PSC Chairman at Philippine Sports Hall-of-Famer awardee, ang kanyang maybahay na si Eileen Ermita-Buhain bilang representative ng distrito sa Lower House.
Inaanyayahan ni TOPS president Maribeth Repizo-Santos ng Pilipino Star Ngayon (PSN) ang mga miyembro, opisyal at sports enthusiast na makibahagi sa talakayan na mapapanood nang live sa TOPS Facebook page at YouTube, sa pakikipagtulungan sa PSC, Games and Amusements Board at PAGCOR. (DENNIS IÑIGO)
