FERRY BOAT IKINONSIDERA RIN

FOR THE FLAG

NAKIKINIG naman ang mga kinauukulan matapos iprisenta sa publiko ang matagal na nating suhestiyon na river ferry na makatutulong sa mabigat na trapiko sa Metro Manila.

Ilang beses na nating naisulat sa ating munting pitak ang ukol sa paggamit ng ferry boat upang maibsan ang mabigat na trapiko sa Metro Manila. Sa ating pakikipagbalitaktakan sa isang opisyal ng DOTr pa nga mga dalawang taon na rin ang nakararaan, ikinukonsidera nga umano ito ng departamento at maging ang mga eksperto nito ay naniniwalang malaki ang maitutulong ng paggamit ng mga ferry boat para sa pampublikong transportasyon.

Ngayon ay MMDA pa lamang ang magpapatakbo pero sa ating suhestiyon isapribado ito at isailalim ang prangkisa para sa nasabing transport system sa ilalim ng MARINA. Dati namang may mga public ferry boat na bumabagtas sa Pasig River, na bumibiyahe sa lahat ng lugar na dinadaluyan ng nasabing ilog.

Sa lupit ng trapiko ngayon, maiging ikonsidera talaga ito dahil malaki ang maitutulong nito sa pagreresolba sa heavy traffic at alternatibong public transport ng mga mananakay.

Halos buong Metro Manila ay kadudugtungan ng Pasig, Laguna Lake, Marikina River at tuluyan na hanggang Montalban.

Magkakaroon ng ferry stations sa mga strategic na mga puwesto kung saan bababa at sasakay ang mga pasahero.

Masaya pa ‘yan, maaaring maglagay tayo ng gondolier upang magsilbing entertainment sa ating mga pasahero. Hindi malayong maging tourist attraction pa ‘yan na makadaragdag sa ating turismo.

Walang gagastusin ang pamahalaan diyan dahil ipapa-operate natin sa private groups ‘yan, maaaring magkaroon ng prangkisa upang magkaroon ng kompetisyon para sa mas magandang serbisyo.

Makalilikha pa ‘yan ng dagdag na hanap-buhay para sa ating mga kababayan dahil bukod sa pagmimintine ng mga ferry boat, kinakailangan ding manatili ang lalim ng Pasig River at mga kadugtungang ilog at linisin ang mga daluyan sa water lily.

Inuulit ko ang paanyaya, tara na sa ilog Pasig, magharanahan at mag-enjoy sa byaheng walang traffic. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

422

Related posts

Leave a Comment