UMABOT na sa Senado ang usapin ukol sa pagkawala ng mga sabungero.
Dumarami raw pala ang bilang ng mga nawawala.
Sinasabing sumampa na sa 31 ang mga ito.
Pero isa raw sa mga tinitingnang anggulo ngayon ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa mga nawawalang sabungero ay ang grupo ng isang sindikato raw ng mga financiers.
Tumestigo kasi ang isang ginang sa Senate inquiry noong nakaraang linggo.
Sabi ni Ginang Geralyn Magbanua, asawa ng nawawalang sabungero na si Manny Magbanua, naniniwala siya na may kinalaman ang may-ari ng breeding farm ng mga manok na panabong sa Tanay, Rizal sa pagkawala ng kanyang mister at isa pang kasamahan.
Isiniwalat ni Geralyn kay Senate Committee on Peace and Order and Dangerous Drugs Chairman Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na ilang linggo pa lang nagtatrabaho bilang “handler” ng mga manok ni Julius Javillo ang mister niya.
Aniya, gabi ng January 12, 2022 nang ipasundo raw ni Javillo ang mister na si Manny para bumitaw ng manok ng amo sa sabong kinabukasan sa Sta. Cruz, Laguna.
Ang pinagtataka lang daw niya, walang gustong sumama kahit isa sa mga tauhan sa farm kaya napilitan itong sumama pa rin sa Sta. Cruz.
Nang tanungin ni Dela Rosa si Aling Geralyn, naniniwala raw ito na ang financier ang may kinalaman dito.
Ayon sa kwento ng ginang, kasama ng mister niya si Marvin Flores na tauhan din ni Javillo, na nawawala rin hanggang ngayon.
Naku, hindi raw sumama si Javillo sa Sta. Cruz nang mawala ang dalawa.
Ayon naman sa mga awtoridad, hindi na rin nila matagpuan ang financier ngayon na posibleng nagtatago lang.
Mahalagang ipa-subpoena rin ito ng mga senador.
Kapag lumutang na ang maaaring financier ng sindikato, maliliwanagan tayo sa isyu.
Lalabas ang katotohanan.
Hangga’t nagtatago ito, walang mangyayari.
Isa nga raw sa tinitignang anggulo ng mga pulis sa pagkawala ng 31 na sabungero ay isang malaking sindikato na sangkot daw sa panto-tyope sa online sabong na posibleng inonse naman ng mga nawawalang mga tao.
Sa ngayon, ayaw pang magbigay ng komento ng PNP hinggil sa nasabing anggulo at pahayag ng ginang.
269
