UMAASA si Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na matutupad na sa wakas ang matagal nang hinihintay na Freedom of Information (FOI) Bill, matapos itong maisama sa Common Legislative Agenda (CLA) ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Si Abante, na siyang House committee on human rights chairman at may-akda ng House Bill 3642 o People’s Freedom of Information Act of 2025, ay nagsabing mahalaga ang nasabing panukala sa kampanya laban sa katiwalian at korapsyon.
Kapag naisabatas, magkakaroon na ng akses ang publiko sa Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno.
Sa ilalim ng Section 8 ng FOI bill, obligado ang mga top officials tulad ng Presidente, Bise Presidente, mga Senador, Kongresista, at mga miyembro ng Gabinete na ipost ang kanilang SALN sa website ng kani-kanilang opisina.
Kasama rin dito ang mga mahistrado ng Supreme Court, miyembro ng Constitutional Commissions, mga heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP), pati na rin ang mga lokal na opisyal, GOCCs, at state universities.
“Ang transparency ay mahalaga sa tunay na demokrasya — ito ang nagbibigay kapangyarihan sa mamamayan para masubaybayan ang galaw ng gobyerno at bantayan laban sa pang-aabuso sa kapangyarihan,” ani Abante.
Dagdag niya, hindi na maaaring itago ng mga ahensya ng gobyerno ang mga proyekto o transaksyon kapag naisabatas ito, maliban na lang sa mga sensitibong usapin gaya ng national security, personal privacy, at privileged communication.
“Layunin ng panukala na bigyan ng lakas ang bawat Pilipino sa pamamagitan ng karapatang makakuha ng impormasyon — para mas maging tapat, bukas, at responsable ang pamahalaan,” diin pa ni Abante.
(BERNARD TAGUINOD)
114
