BOC, BAI NAGSANIB PUWERSA
MATAGUMPAY ang isinagawang pagtatapon ng Bureau of Animal Industry (BAI) at Bureau of Customs (BOC) sa nasabat na mga pagkaing kontaminado ng African Swine Fever (ASF) sa pasilidad ng Intergrated Waste Management sa Trece Martinez, Cavite nitong buwan ng Pebrero.
Ang nasabing containerized shipment na naglalaman ng ibat-ibang food items na kinabibilangan ng dumplings, pork-chicken balls, at roast chicken wings ay naka-consigned sa Dynamic M Int’l Trading Inc na dumating sa Manila International Container Port (MICP) noong Disyembre 11, 2019 mula China at inalerto noong Disyembre 17, 2019.
Nasabat ang kargamento noong Enero Enero 24, 2020 matapos isagawa ang veterinary quarantine services ng BAI kung saan nakitang ang sample ng pork-celery dumpling ay positibo sa ASF.
Ang food items ay itinapon sa pamamagitan ng heat-assisted method na tinawag Thermolysis o Thermal Decomposition.
Ang interagency team na nangasiwa sa pagtatapon ay binubuo mula sa BOC, BAI, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Philippine Coast Guard (PCG) .
Naunang ininspeksyon ng BOC sa Designated Examination Area sa MICP ang mga kontaminadong produkto at inilipat sa consignee’s warehouse sa Goldkey Bldg., Toklong, Kawit, Cavite para sa pagsasagawa ng 100% physical examination ng inter-agency team.
Ang paglilipat ay hiniling sa BAI para sa tamang cold storage facility na matiyak ang proper inspection ng meat products para sa tamang pagsasagawa ng tests.
Bago pa man isagawa ang pagtatapon ng food items, isinailalim muna sa “disinfection” ng BAI at saka dinala sa pasilidad ng Integrated Waste Management sa Cavite para sa thermal decomposition. Joel O. Amongo
