MULING nagsama-sama ang mga orihinal na tagasuporta ni Fernando Poe Jr. (FPJ) upang ipagdiwang ang kanyang buhay at alaala—patunay na kahit 21 taon na ang nakalipas mula sa kanyang pagpanaw, nananatiling buhay ang pagmamahal at paninindigan ng mga taong unang naniwala at tumindig sa kanya.
Pinangunahan ni Raymond “Manolo” Mercedes, matagal nang tagasuporta ni FPJ, ang pagtitipon ng mga dating miyembro ng FPJPM. Sa ilalim ng Bagong Umaga Movement, patuloy nilang isinasabuhay ang diwa ng serbisyo at paninindigan na itinanim ni FPJ.
Dumalo rin sina Rez Cortez at Don Remo, dating kasapi ng FPJPM, at iba pang dating campaign volunteers mula sa Quezon, Rizal, at Camarines Norte bilang pagpapakita ng patuloy na suporta kay “Da King.”
Ibinahagi ni Mowelfund President Rez Cortez ang kanyang damdamin tuwing naaalala si FPJ:
“Up to now I’m still emotional pag pinag-uusapan si FPJ… marami pa rin ang nagmamahal sa kanya. Sabi nga ni FPJ, hindi man completely ma-eradicate ang kurapsyon, pero pag siya ang nakaupo bilang pangulo, mababawasan nang malaki ang kurapsyon. Pero hindi pa rin tayo nawawalan ng pag-asa dahil nandito ang nagpapatuloy ng laban ni FPJ, ang ating mahal na Senadora Grace Poe, at ang kanyang apo, si Cong. Brian Poe.”
Para kay Manolo Mercedes, ang kanyang pananatili sa kilusan ay bunga ng personal na pagkakilala at paghanga kay FPJ bilang tao:
“Nagsimula po ako kay manedyer noong 2002, hanggang ngayon sumusuporta pa rin sa pamilya kahit wala na si manedyer. Idolo ko si manedyer FPJ dahil sa pagkatao niya—matalino, mapagmahal sa pamilya, mabuting asawa at kamag-anak.”
Ibinahagi rin ni Manny Wang kung paano patuloy na tumatatak sa puso ng mga Pilipino ang mga pelikula ni FPJ at ang kabutihang ginawa nito sa totoong buhay:
“Si FPJ, ‘yan lang ang bukod-tanging artista na hindi pinagsasawaan ang kanyang pelikula kahit paulit-ulit. Noong pumanaw siya, doon nalaman ng mga tao na marami siyang tinulungan sa totoong buhay. Kung anong hero niya sa pelikula, ganun din siya sa totoong buhay. Kaya si Mr. Fernando Poe Jr., ay hindi natin makakalimutan, alaala na talaga natin siya.”
Para kay Ador Macabalitao, ang alaala ni FPJ ay nakapaloob sa kanyang mga pinahahalagahan:
“Ang paboritong letra ni FPJ ay letter M—makatao, maka-Diyos, at mapagmahal. Ang hindi ko makakalimutan kay FPJ ay hindi siya pala-utos. Habang nabubuhay tayo, gumawa tayo ng mabuti sa kapwa.”
Sa muling pagtitipon ng mga orihinal na tagasuporta, malinaw ang mensahe: ang legasiya ni FPJ ay hindi natapos sa kanyang pagpanaw. Patuloy itong isinasabuhay ng mga taong kanyang hinipo, tinulungan, at binigyang inspirasyon—isang “Bagong Umaga” na patuloy na sumisikat sa alaala ng sambayanang Pilipino.
269
