KAPIT LANG Ni MATEO MAGHIRANG
HINDI ko akalain na ang gobyerno pala ay may programa na nagbibigay ng libreng Wi-Fi sa mamamayan na isang malaking tulong para sa marami upang maka-access sa internet ang ating mga kababayan lalo na ang mga nasa malalayong lalawigan.
Sa pangunguna ng Department of Information and Communications Technology o DICT na pinamumunuan ni Secretary Gregorio ‘GRINGO’ Honasan II, nailunsad na ng tuluyan ang programang ito bagaman matagal na itong pinanukala ng pamahalaan.
Five years in the making sabi nga nila bago ito tuluyang maisakatuparan dahil taong 2015 pa pala ay isinulong na ito subalit na-institutionalized lang ng mapagtibay ang Republic Act 10929 o batas na mage-estabilisa ng Free Internet Access sa ibat-ibang mga pampublikong lugar sa bansa.
Isa sa determinadong tumulong para maisakatuparan ang naturang batas noon sa Senado ay si Honasan na ngayon ay kalihim na ng DICT.
Kaya naman, panay ang launching na ginagawa ngayon ng Kalihim sa ibat-ibang mga lalawigan at lungsod sa bansa para i-promote ang Free Wi-Fi sa ating mga kababayan.
Ang mga pampublikong lugar na kabilang sa tinutukoy kung saan may libreng wi-fi ngayon ay ang mga national government offices, public schools, State Universities at Tesda Institutions, government hospitals, public parks at iba pang open areas, public libraries at maging mga transport terminals.
Ayon kay Honasan, target nila na sa pagtatapos ng taong ito (2021) ay magkaroon ng mahigit kumulang labing limang libo o 15,000 sites na mayroong free wi-Fi at sa taong 2023 ay posibleng aabot na ito ng hanggang sa isandaang libong operational sites sa Pilipinas. Malaking tulong ito para sa ating mga kababayan dahil ang internet access sa ngayon ay isa ng necessity o pangangailangan. Ang totoo, isa na yata ito sa mahalagang pangangailangan ng taumbayan.
Sino ba ang hindi gumagamit ngayon ng internet? Habang gaano naman karami ang may kailangan nito pero walang budget para maka-connect?
Gaya halimbawa ng mga kapwa-Filipino natin na walang pambayad sa mga internet shops o kaya ay hindi maka-access sa mga private telcos dahil sa mahal na internet connection fee. Ito na ang sagot sa matagal na nilang problema.
Ang tanong lang ay gaano naman kaya kabilis at kalakas ang wi-fi na ibinibigay ng gobyerno sa pangunguna ng DICT? Baka naman usad-pagong lang din ito na sa halip matuwa ang mga tao ay
madismaya lang dahil sa sobrang tagal ng kanilang ipaghihintay bago makapasok sa free public Wi-Fi.
Gayunman, bigyan pa rin natin ng isang malakas na palakpak ang DICT maging si Secretary Honasan.
Noon ay ang pagkakaroon ng kalayaan at demokrasya ang ipinakipaglaban ni Honasan. Naitala na siya sa kasaysayan. Ngayon naman kahit paano ay ang ikagagaan ng buhay ng mga Filipino ang
sinisikap niyang matugunan. Free Wi-Fi ang isa sa totoong kailangan sa kasaluyan.
197
