FREEDOM OF INFORMATION BILL, ISABATAS NA!

PUNTO DE BISTA NI BAMBI PURISIMA

TALAGANG kailangan na natin ng transparency sa gobyerno at ang Freedom of Information (FOI) law na wala tayo.

Sa maraming pagkakataon, nakatago, hindi bukas at malinaw sa publiko ang mga gawain ng gobyerno, lalo na sa pagsasapubliko ng mga impormasyon at mga desisyon at aksyon ng mga halal at hinirang sa posisyon sa lokal at pambansang pamahalaan.

Kung may transparency, may FOI law, may makukuhang impormasyon ang taumbayan na magsisiguro na ang mga opisyal ng gobyerno ay mapipigilan at maparurusahan kung gumagawa ng labag, katiwalian at pagnanakaw sa pondo ng bayan.

***

Marami nang panukalang batas tungkol sa Freedom of Information pero sa nakaraang Kongreso at Senado, natutulog ito sa alikabok sa mesa ng mga mambabatas.

Kung may Freedom of Information Law, may karapatan ang publiko na makuha – nang walang gaanong abala at rekisitos – ang mga dokumento at impormasyong kailangan sa pag-uusig sa mga gawaing mali at labag sa batas.

Magkakaroon ng accountability ang taong gobyerno kung may FOI law tayo dahil obligasyon ng isang opisyal na maging responsable at sagutin at managot sa mga gawain at mga desisyon niya na kaugnay sa kanyang tungkulin at responsibilidad sa bayan.

Mabibigat na parusa ang kailangan laban sa korupsiyon, kung maaari, hindi lamang pagbawi sa ninakaw, pagkumpiska sa iba pang ilegal na ari-arian, kundi kamatayan sa pagtataksil sa tiwala ng taumbayan.

Matalas na pangil ng batas laban sa mga tiwali, at ang pagkakaloob ng kapangyarihan sa taumbayan – tulad ng jury system at ang ibang hakbang – sa paniniwala natin, mapasisigla uli, mabubuhay uli ang tila naglalahong ugaling makabayan ng Filipino.

***

Sa kabila ng maraming batas, kilusan o taskforce na naitatag upang mabawasan at mapuksa ang sobrang katiwalian/korapsyon, hanggang sa kasalukuyan ay ito ang problema ng Pilipinas.

Transparency at mabilis na pagkuha, paghawak ng mga impormasyon, dokumento, ebidensiya laban sa mga tiwali etc. Mayroong maraming solusyon na inihahain upang labanan ang korupsiyon, pero parang kulang pa rin.

Nangyayaring ang mga taong may tungkuling labanan ang korupsiyon ay kulang sa kakayahan at implementasyon o kaya ay kasabwat ng mga tiwali, at isa pa: walang kapangyarihan ang mamamayan na maging kalahok sa pagsusuri, mag-uusig at pagpaparusa sa mga korap.

Nitong mga nakaraang araw ay may nagmungkahi muli na baguhin ang sistema ng gobyerno, at gawin itong pederal at magkaroon ng jury system, dito ang taumbayan ang may kapangyarihang tumimbang sa mga impormasyon, ebidensiya at mga pahayag ng testigo at mga ebidensya upang mausig ang mga kilala, maiimpluwensiya, korap at pabaya sa tungkulin at magparusa sa mga kriminal.

***

Sa kabila ng napakaraming batas kontra sa mga ilegalista/ismagler sa Bureau of Customs (BoC), bakit hanggang ngayon may nangyayaring daan-daan, libong-libong mga ilegal na kargamento na nakalulusot?

Sangkaterba na ang mga ginawang batas at halimbawa sa Revised Penal Code na lang, dear readers, na nagpaparusa sa mandaraya ng buwis, at special courts na nalikha para usigin, litisin at parusahan ang big time smugglers, bakit up to now ay may nakalulusot pa rin na mga ilegal na kargamento?

Sobra-sobra nga, kung tutuusin at kung maipatutupad nang maayos ang mga batas, wala nang lugar pa para makapagpalusot kahit isang hibla ng sinulid o karayom ang isang ismagler.

Balitang-balita pa rin kasi na sa lahat ng pantalan o port umano ay may nangyayaring kababalaghan kaya patuloy ang pagpapalusot ng mga kontrabando/ilegal na mga kargamento.

Sadya bang pinalulusot ang mga nagpapalusot o inutil o kakutsaba ang mga tagapagpalusot ng batas?

Nagtatanong lang naman.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

33

Related posts

Leave a Comment