(NI KEVIN COLLANTES)
INIANUNSIYO ng Manila Electric Company (Meralco) na magpapatupad sila ng 47 sentimo kada kilowatt hour (kwh) na dagdag-singil sa kuryente ngayong buwan ng Nobyembre.
Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, ito ang ikalawang buwan na nagtaas ng power rates ang naturang power distributor matapos na magtaas din ng singil noong Oktubre.
Aniya, dahil sa taas-singil sa kuryente na P0.4717/kwh ngayong November bill ay magkakaroon ng upward adjustment sa overall household rate ngayong buwan ng P9.5579/kwh mula sa dating P9.0862/kwh lamang.
Ipinaliwanag naman ni Zaldarriaga na ang pagtaas ng singil sa November bill ay dulot ng pagmahal ng halaga ng kuryente sa spot market.
Nakaambag din umano sa pagtataas ng singil ang dalawang yellow alert at ilang plant outages sa Luzon grid na natapat sa naturang billing period.
Bukod pa aniya sa mas mababa na rin ang naturang refund na iniutos ng Energy Regulatory Commission (ERC) na ipatupad.
Nabatid na ang naturang dagdag-singil ay katumbas ng P94.34 na dagdag sa bayarin ng mga tahanang kumukonsumo ng kuryente na 200 kwh kada buwan; P141.51 naman sa mga nakakagamit ng 300 kwh; P188.68 sa mga gumagamit ng 400 kwh na elektrisidad at P235.85 para sa mga kumukonsumo ng 500 kwh na kuryente kada buwan.
Samantala, sinabi naman ng Meralco na kahit na may dagdag singil ay mas mababa pa rin ang electricity rates ng piso ngayong Nobyembre, na nasa P9.56/kwh lamang, kumpara sa Abril 2019, na mayroong P10.56/kwh.
272