Game na sa Set.16 GULATAN SA GRANULAR LOCKDOWN

TALIWAS sa unang pahayag ng gobyerno, walang anumang abisong makakarating sa mga lugar na nakatakdang isailalim ng bagong kasang granular lockdown bilang bahagi ng estratehiya ng Inter-Agency Task Force (IATF) bilang tugon sa tumitinding hamon laban sa pandemya.

Sa isang pahayag na inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG), inamin mismo ni Undersecretary Jonathan Malaya bilang tagapagsalita ng ahensya ang aniya’y pagbabago sa paraan ng pagsugpo sa lumolobong bilang ng mga taong tinatamaan ng nakamamatay na COVID-19.

Aniya, tuloy na tuloy na rin ang ang pilot implementation ng granular lockdown na ipatutupad sa Metro Manila pagsapit ng ika-16 ng Setyembre.

Kabilang sa nakatakdang gulatin ng gobyerno ay ang mga lugar, bahay, barangay o buong siyudad na may mataas na bilang ng nahawaan ng COVID-19.

Una nang sinabi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing na aabisuhan muna nila ang mga apektadong lugar 24 na oras bago pa man ipatupad ang granular lockdown nang sa gayon aniya’y makapaghanda ng mga kakailanganin ang mga apektadong pamilya.

“Wala namang warning, hindi mo malalaman. Ang nakakaalam lang kasi ng datos ay ang City Health office,” paglilinaw ni Malaya sa isang panayam sa radyo.

“Kasi it would defeat the purpose kung may warning, o di mag-aalisan ‘yung mga tao, may clustering nga doon,” dagdag pa ng DILG spokesperson.

Unang itinakda ng Malakanyang ang pilot implementation noong Setyembre 8 subalit kumambyo ang Palasyo dahil hindi pa nailalabas ang guidelines hinggil dito. Kasabay ng pagpapaliban ng granular lockdown, pinalawig naman ni Pangulong Rodrigo Duterte hanggang Setyembre 15 ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila.

“Kahit ako din, kung minsan nalilito na rin ako sa daming CQ at para ma-simplify, and purpose po nito ay para ma-simplify ‘yung ating susundin bilang isang bansa na buo itong alert level system with granular lockdowns,” pagtatapos ni Malaya. (LILY REYES)

122

Related posts

Leave a Comment