GANANSYA SA BASURA

MATAPOS ang 21 taon, tila hindi pa rin kumbisido ang ­ilang opisyal ng pamahalaan sa peligrong dulot ng maling pagtatapon ng basura. Katunayan, kabi-kabila pa rin ang palihim na operasyon ng open-pit dumpsites sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kamakailan lang, isa na namang tambakan ng basura ang nadiskubre ng lokal na pamahalaan ng Taytay sa isang tagong bahagi ng Barangay Dolores sa nasabing lokalidad.

Ang siste, tatlong basurahan na ang ipinasara ng Taytay LGU nito lamang nakaraang taon sa naturang barangay na higit na kilala bilang pinakamayaman sa nasabing bayan sa maraming larangan – magandang kapaligiran at maunlad na kalakalan. Kabilang sa unang nabulilyaso ang tatlong malaking basurahan sa Sitio Bato-bato sa gawing likod ng isang kilalang shopping mall sa kahabaan ng Manila East Road.

Ayon sa mga residente ng Sitio Bato-bato, ginawang tambakan ng mga pribadong ­kumpanya ang apat na ektaryang lupaing katabi ng isang residential area. Sa dami ng itinapong basura sa kanilang lugar, nahirapan ang Taytay General Services Office na hakutin at ilipat sa angkop na solid waste facility ang nasa 1.7 ­metrong kapal ng iba’t ibang klase ng basurang karaniwang dinadala sa oras ng kahimbingan ng tulog ng mamamayan.

Gayundin ang nadiskubreng basurahan sa malalim na bahagi ng Sitio Don Enrique (Paliparan) sa Barangay Dolores pa rin. Sa pakikipag-ugnayan sa mga residente ng Sitio Don Enrique, lumalabas na makailang ulit na silang dumulog sa tanggapan ni Kapitan Allan de Leon. Sa kabila pa ng kanilang walang humpay na sumbong, deadma lang anila ang kanilang kapitang kandidato pa naman ngayon para alkalde ng bayang higit na kilala bilang ­Garments Capital of the Philippines.

Bakit nga ba hindi pinapansin ni Kapitan de Leon ang mga sumbong ng mamamayan sa kanyang nasasakupan? Ang malinaw lang, may nakikinabang sa mga iligal na pasilidad na ‘yan. Kung sino man yan, tatalupan natin sa mga susunod na yugto ng ating talakayan.

Higit pa sa pakinabang ng protektor – kundi man direktang operator ng mga nasabing iligal na tambakan ng basura, higit na angkop ang aksyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), isang ­ahensyang mandato’y tiyaking hindi nababalasubas ang ­kalikasan at panatilihing luntian ang ­kapaligiran. Bahagi rin ng mandato ng DENR na ipatupad nang buong higpit ang Republic Act 9003 o higit na kilala bilang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Ang tanong – may tiwaling opisyal ba ang Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) na nakikinabang sa nasabing illegal dumpsites kaya hindi pa rin kinakasuhan si Kapitan?

Sa isang banda, tama lang naman panatilihing lihim ang ­operasyon ng illegal dumpsites sa Barangay Dolores lalo pa’t may ­nakapagbulong na may katumbas na dumping fee pala ang pagtatapon ng basura ng mga pabrikang mula pa sa mga karatig bayan.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

164

Related posts

Leave a Comment