GAPANGAN NA SA SENADO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

PATULOY ang haka-haka na kinukuha ng magkasanggang senador ang pagpanig ng mga kaalyado ng Bise Presidente upang maging Senate President si Tito Sotto.

Ito ay sa kabila na itinanggi ni Senator-elect Ping Lacson na nakipag-usap sila ni Sotto kay VP Sara.

Lumitaw ang isyung ito dahil gumagalaw na umano ang grupo ng ilang senador upang buuin ang bilang ng mga senador na susuporta sa pagpapalit ng liderato sa Senado.

Kailangan ang suporta ng hindi bababa sa 13 senador upang maitalagang SP si Sotto.

Tingin ng mga political analyst, maaaring maabot ang numero kung makukuha nila ang suporta nina Bong Go, Robin Padilla, Bato Dela Rosa, Dante Marcoleta, Imee Marcos, at Camille Villar.

May espekulasyon ding may pagpaparte na ng mga komite sa Senado, kung saan umano ay itinutulak si Lacson na mamuno sa Public Order, National Defense, at Accounts Committees; si Loren Legarda sa Finance; at si Migz Zubiri bilang Majority Floor Leader at chair ng Public Services. Para bagang siguradong-sigurado na sila na sila na ang magiging Senate majority.

Aba, dapat magbantay ang publiko. Kailangang tingnan nang mabuti ang kilos ng mga senador, at suriin kung paano ito makaaapekto sa mga nangyayari sa mataas na kapulungan lalo sa sa impeachment proceedings.

Kung nakikita na ngayon na may kinikilingan na sina Tito Sen and company dahil sinusuyo nila ang pangkat ng mga kaalyado ni VP Sara, ay itabi na ‘yang impeachment.

Teka, manok nga ba si Sotto ni Speaker Martin Romualdez na maghahatid upang tuluyang ma-impeach ang VP? Kung totoo, dapat ding mag-ingat ang grupo nina Go, Padilla, Dela Rosa, Marcoleta, Marcos, at Villar.

Sa mga kaganapan sa sirkulo ng mga senador, umusbong ang tanong: magiging balanse kaya ang paghawak ng susunod na Senado sa impeachment trial ni VP Sara?

114

Related posts

Leave a Comment