Garantiya ni PDu30 sa term sharing tinabla ni Cayetano PALABRA DE HONOR ‘DI NA USO?

HINDI uso kay Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ang salitang “palabra de honor” kapag hindi ito nag-resign sa Oktubre 14, tulad ng nakapagsunduan nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa harap ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes ng gabi.

Ito ang pahayag ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza kung saan inilarawan nito bilang “telenovela of insincerity” ang pagre-resign ni Cayetano bilang Speaker ng Kamara noong Miyerkoles ng hapon subalit ni-reject ito ng 184 congressmen.

Tanging si Atienza ang bumoto na pabor sa pagre-resign ni Cayetano subalit sa Oktubre 14 aniya ito dapat gawin tulad ng nakapagsunduan sa harap ni Pangulong Duterte.

“Nobody’s asking for your resignation, but on October 14, you should resign because, again, you left your word in Malacañang that you would resign, Wala namang humihingi na mag-resign siya ngayon eh. Ang hinihingi namin mag-resign siya sa takdang panahon,” ani Atienza.

“Ang kay Presidente lang naman, sundin niyo ang inyong agreement, ‘wag kayong babawi ng inyong salita. Palabra de honor yan,” dagdag pa ni Atienza sa isang radio interview.

Magugunita na bago natapos ang privilege speech ni Cayetano ay nag-offer ito na mag-resign dahil ang orihinal na gusto aniya ni Velasco ay bumaba na ito sa puwesto pagdating ng Setyembre 30.

“I’m offering my resignation, here and now, to you my dear colleagues. My fate and the fate of the 2021 budget, and the fate of the leadership of the House is in your hands,” ani Cayetano subalit ni-reject ito ng 184 congressmen matapos idaan sa nominal voting ang mosyon ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor.

Maging si Velasco ay iginiit na dapat bumaba si Cayetano sa Oktubre 14 dahil ito mismo aniya ang kautusan ng Pangulo sa kanilang face off sa Malacañang noong Martes ng gabi.

“To Speaker Alan Peter Cayetano, it was only last night when you promised to resign on October 14 when the President ordered you to honor the term-sharing agreement. Ito ay usapang lalaki,” ani Velasco ilang oras matapos ang privilege speech ni Cayetano.

MAGULO

Ayon naman kay PBA party-list Rep. Jericho Nograles, kailangang sumunod si Cayetano sa nakapagsunduan nila ni Velasco sa harap ni Duterte dahil kung hindi ay magkakaroon ng gulo sa Kamara.

“The resignation of Speaker Cayetano should push through, otherwise…if Speaker Cayetano does defy the President as political leader..simply …ang gulo nito,” ani Nograles.

Sinabi ni Nograles na malinaw sa term sharing agreement kung saan tumayong broker si Duterte, na 15 buwan lang manunungkulan si Cayetano at papalitan ito ni Velasco.

“If they go against the will and wishes of the President then that will be very, very, very bad signs,” babala pa ni Nograles.

VELASCO SINISI

Sinabi naman ni House deputy speaker Dan Fernandez na kasalanan din ni Velasco kung bakit nanganganib itong maging Speaker ng Kamara dahil sa nakaraang 14 buwan ay umasa lamang ito sa Pangulo at hindi nag-reach out sa mga congressman.

“Dito po si Lord Allan Velasco, only relied on the endorsement and term sharing agreement. He never approach or reach out to all of us.. and that really matters,” ani Fernandez.

Ayon sa mambabatas, kung nakipagtulungan lamang si Velasco sa mga ito sa nakaraang buwan ay hindi mangyayari ang gusot na pinagdadaanan ngayon ng Kongreso dahil sa agawan nila ng speakership ni Cayetano.

LEGAL

Para naman sa Malakanyang, legal at walang mali sa ginawang botohan sa hanay ng mga kongresista kasunod ng mosyon ni Congressman Defensor na i-reject ang pagbibitiw ni Cayetano.

Bilang isang abogado, ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, walang nangyaring paglabag sa rules sa mosyong huwag tanggapin ang resignation ni Cayetano.

Lahat naman aniya ng dinedesisyunan ng Kongreso ay ginagawa sa plenaryo gaya ng nangyari kamakalawa.

Malinaw aniya na ang pagbibitiw ni Cayetano ay pagtupad sa usapan iyon nga lamang ay hindi tinanggap ng kanyang mga kasamahan. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

137

Related posts

Leave a Comment