GATCHALIAN ATUBILI SA PAG-ALIS NG VAT SA PRODUKTONG PETROLYO

ATUBILI si Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian sa panukalang alisin ang Value Added Tax sa mga produktong petrolyo.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na mas mahirap imonitor ang VAT dahil mayroon pang tinatawag na input at output VAT na kailangan pang kwentahin.

Taliwas anya ito sa excise tax dahil kung ano lamang ang binili mong gasolina ay yun lamang ang babawasan.

Muling iginiit ni Gatchalian na ang mga ganitong hakbangin ay huling opsyon na dapat ng gobyerno at mas dapat unahin ang pamamahagi ng Pantawid Pasada Program.

Nangangamba kasi ang senador na kung mababawasan pa ang koleksyon ng gobyerno sa VAT at excise tax ay posibleng lumobo pa ang budget deficit na kinalaunan ay magreresulta sa dagdag na pangungutang ng bansa.

Ipinaalala ng mambabatas na masyado nang malaki ang utang ng gobyerno hindi katulad noong pinagdaanan natin ang pandemic.

Noong mga panahong iyon anya ay mababa ang utang ng bansa kaya’t malakas ang loob na makapangutang.

(DANG SAMSON-GARCIA)

63

Related posts

Leave a Comment