GATCHALIAN SA ONLINE SELLING PLATFORMS: DOBLEHIN ANG PAGBABANTAY SA MGA MAPANLINLANG NA NEGOSYANTE

MULING nagbabala si Senador Win Gatchalian laban sa mga mga produktong may mapanganib na kemikal at mabibili sa online platforms.

Ito ay makaraang matuklasan ng EcoWaste Coalition na may mga online seller na hayagang nag-aalok ng mercury thermometers at sphygmomanometers na may mapanganib na kemikal.

Simula noong Setyembre ng 2010 ay tinaggal na sa merkado ang mga medical device na may mercury kasunod ng isang administrative order galing sa Department of Health (DOH).

“Bahagi na ng buhay natin ngayon ang online shopping. At habang patuloy na lumalago ang mga ganitong klaseng transaksyon ay naglipana naman ang mga mapanlinlang na online sellers. Hindi tama na hayaan na lang natin silang makapanloko dahil sa kawalan ng mekanismo para mapanagot sila sa iligal na gawain,” pahayag ni Gatchalian, na siyang pangunahing may-akda ng panukalang batas na Internet Transactions Act.

Ang Internet Transactions Act o Senate Bill No. (SBN) 1591 ay naglalayong gawing mas madali ang online transactions sa bansa at pausbungin ang tinatawag na digital economy.

Batay sa panukala, kailangang higpitan pa ang regulasyon para mapangalagaan ang interes ng mga mamimili laban sa mga iligal na pamamaraan ng pagnenegosyo sa online

Idinagdag ni Gatchalian na may probisyon din sa SBN 1591, na papanagutin ang dalawang panig – ang online platform at online merchant o seller na nagsu-suplay ng produkto sa online platform – sakaling ang nabentang produkto ay inireklamo lalo na kung ito’y nakasasama sa kalusugan ng mamimili at hindi rehistrado sa gobyerno.

“Hindi natin dapat hinahayaan sa mga e-commerce marketplaces ang mga ilegal na gawain at mga transaksyon ng ilan na ang habol lamang ay kumita nang malaki kahit na alam nilang hindi sila naging matapat sa mga mamimili. Sa bahagi naman ng mga mamimili, alamin ang karapatan sa pamimili sa online at maging mapanuri para hindi maloko,” sabi ni Gatchalian.(DANG SAMSON-GARCIA)

94

Related posts

Leave a Comment