SA hangaring mabilis na maabot ang target na herd immunity kontra COVID-19, inilunsad ng Department of Health – Calabarzon ang gimik na buwanang pa-premyo para sa mga residenteng magpapabakuna.
Ayon kay DOH-Calabarzon regional director Eduardo Janairo, mayroon na silang nakalaang premyong salapi kada buwan sa ilalim ng kanilang programang “Resbakuna: Bakunado Panalo,” para sa mapapalad na mabubunot para magwagi ng salaping nagkakahalaga ng P5,000 hanggang isang milyon.
Aniya, simple lang manalo — kinakailangan lamang magpabakuna upang makasali sa “Resbakuna: Bakunado, Panalo” promo.
“This is to encourage everyone to enlist and have their COVID-19 vaccine for them to have additional protection against the virus. This cash prize will also serve as an incentive for winners for getting vaccinated and doing their fair share in preventing the spread of the virus in the community and putting a stop to the pandemic,” ayon kay Janairo.
Ang “Resbakuna: Bakunado, Panalo” promo ng DOH ay mamimili ng 50 na mananalo para sa buwan ng Oktubre at panibagong 50 para naman sa buwan ng Nobyembre. Ang bawat mabubunot, dagdag pa niya, at tatanggap ng tig P5,000 bawat isa.
Para naman sa buwan ng Disyembre, 12 winners ang pipiliin, 10 ang tatanggap ng P100,000 para sa 3rd prize. Kalahating milyon naman ang inilaan sa isang mapalad na mabubunot para sa 2nd prize.
Para sa grand prize, tumataginting na isang milyong piso.
Isang raffle coupon ang katumbas para sa mga partially vaccinated, habang tatlo naman sa mga fully vaccinated na.
Mas lamang naman ang tsansang manalo ng senior citizens na gagawaran ng dobleng entry – dalawang raffle coupon sa senior citizen na partially vaccinated, habang anim na raffle coupons naman sa mga lolo’t lolang fully vaccinated.
Ang papremyong salapi ay huhugutin mula sa pondo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Disaster Resilience Foundation.
3 days quarantine
na lang
Samantala, hinirit ni House Asst. Majority Floor Leader Rowena Niña Taduran sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), Bureau of Quarantine (BOQ) at Department of Health (DOH) na iksian ang hotel quarantine ng mga bakunadong balikbayan.
Sa kasalukuyan ay sampung araw ang itinakdang quarantine period sa mga nagbabalikbayan kahit fully vaccinated na ang mga ito sa bansang pinanggalingan.
“I suggest that the government shorten this to 3 days during which the onset of symptoms of COVID-19 usually manifest. Kapag negative, dapat i-release na sila sa kanilang uuwian para mag-
home quarantine. Walang dahilan para patagalin sila sa hotel ng hanggang 10 araw kung wala namang sintomas ng Covid at negatibo rin sa test,” ani Taduran.
Base sa patakaran ng IATF, kailangang dumaan sa swab test ang mga balikbayan at kahit negatibo at bakunado na ang mga ito ay kailangan pa ring sumailalim sa 10 araw na quarantine sa hotel.
Ayon sa mambabatas, ang napakahabang quarantine sa isang kuwarto sa hotel ng malulusog na pasahero ay isang malaking pasakit sa kanilang pinansyal, emosyonal at mental na estado, bukod sa hindi ito nakatutulong sa ekonomiya ng bansa.
“Ang mga nagbabalikbayan ay kakarampot na lang ang dalang panggastos para sa kanilang quarantine. Hindi lang hotel ang kanilang iniintindi kung hindi maging ang swab test, ang maghahatid sundo sa kanila sa quarantine at ang kanilang pagkain doon sa araw-araw,” ayon pa kay Taduran.
Naniniwala ang mambabatas na ang pinaigsing panahon ng quarantine sa mga hotel ay makatutulong sa ekonomiya. (SIGFRED ADSUARA/BERNARD TAGUINOD))
