HINDI pa man nag-uumpisang umarangkada ang kampanya, mistulang basag na ang oposisyon makaraang pasaringan ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang Makabayan bloc na kinabibilangan ni dating Bayan Muna Rep. Nero Colmenares.
Hindi man hayagan, nagpahiwatig si Trillanes na ang kawalan ng tunay na malasakit ng Makabayan bloc na aniya’y may kasaysayan ng pagpapalipat-lipat ng kampo, bagay na aniya’y dahilan kung bakit hindi napabilang si Colmenares sa mga kandidatong senador sa ticket na pagbibidahan ng kanilang pambatong si Vice President Leni Robredo.
Sa kanyang social media post, sinabi ng nais magbalik-Senado na si Trillanes na may bahid ng panlilinlang ang Makabayan bloc.
Aniya, hindi naman daw bahagi ng adyenda ng Makabayan bloc ang kapakanan ng bansa.
“Historically, hindi para sa ikabubuti ng bansa ang consideration nila kundi kung saan sila pinaka-makikinabang para maitulak ang interes ng kanilang grupo. Kaya nga nag-boycott sila nung 1986, kinalaban si PNoy, at sumanib at nakinabang kay Duterte,” aniya.
Inakusahan din ni Trillanes si Colmenares ng pagtataksil matapos umano itong kumandidatong Senador sa ilalim ng line-up ng noo’y presidential aspirant na si Senador Grace Poe taong 2016.
“Sinabi ko ang hindi magandang experience namin sa kanila nung 2016 kung saan isinama si Neri sa slate ni Sen. Grace Poe pero sa ground ay si Duterte naman ang kinampanya ng Makabayan,” dagdag pa niya. (FERNAN ANGELES)
183 