GISAHIN SI VAYAD-O SA SENADO!

BISTADOR ni RUDY SIM

HINDI pa man humuhupa ang mainit na isyu ng kapalpakan at posibleng pagtatakip ng Bureau of Immigration kung paano nakatakas sa bansa si dating Bamban, Tarlac, Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping, ay muling nababalot ngayon ng imbestigasyon ang pamunuan ni BI Commissioner Joel Anthony Viado matapos umanong makatakas o pinatakas ang isang mayamang South Korean fugitive habang ito ay may escort na jail guards para sa kanyang court hearing sa QC.

Si ‘NA IKHYEON’ ay umalis umano sa warden facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig noong Martes, March 4, kasama ang tatlong tauhan ng BI na sina Alano, De Villa at Belasio, na nalusutan ng pugante nang ito ay magpaalam na gagamit ng CR, ngunit nawala na lang ito. Ang ganitong alibi sa BI ay gasgas at kumita na. Sino kaya ang mananagot dito sa kapabayaang ito? Sino ang kumita?

Samantala, Matapos nating ibisto nang buo at walang bahid na pagkukunwari sa madla, ang ginawang pagtatago ng Bureau of Immigration tungkol sa isyu ng 41 foreigners na nasakote ng Philippine Anti-Organized Crime and Corruption (PAOCC) sa isang POGO hub sa bayan ng Bagac, Bataan, ay tila hindi pa rin lusot itong si Bureau of Immigration Commissioner Joel Viado, sa muling pagbubukas ng Committee on Justice and Human Rights ng Senado sa kaso kung paano nakatakas noon sa bansa itong si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Bakit hindi imbestigahan ni Hontiveros ang ulat na huling nakita umano si Alice Guo nang ito ay dumaan sa Clark Airport kung saan ay inihatid pa di-umano ng anak ni Lito Lapid na chief ng BI Clark Airport. Mayroon kayang itinatago at pinagtatakpan ang BI?

Hindi ba nagkanda-utal sa pagsagot itong si Viado sa hearing noong nakaraang taon sa Senado, kung paano nakatakas si Guo sa bansa kahit alam nitong mayroong pangalan na dapat hindi masabit?

Ang pagdinig na ipinatawag ni Hontiveros ay patungkol sa pagpapakansela ng passport ni Guo sa DFA. Pero anyare, madam Senator, at hindi mo binuksan kung ano na ang nangyari sa kaso nina Shiela at Alice Guo sa BI kung saan ay nagkaroon ng hearing ang Board of Special Inquiry na nangako sa harap ng media, na sa loob ng 15 days ay ilalabas ang resulta ng kanilang imbestigasyon… hmm anyare??

Kapansin-pansin na no show na naman itong si Viado sa ipinatawag ni Hontiveros na Senate inquiry at ang kanyang ipinadala ay itong hepe ng intelligence division na si Fortunato Manahan Jr. na halatang kabado rin sa pagsagot at walang malinaw na kasagutan sa mga katanungan kung paano nakatakas si Guo sa bansa noong nakaraang taon.

Anyare sa kaso na tila may itinatago kayo riyan sa Senado, maging sa BI, at hanggang sa ngayon ay naghihintay ng kasagutan ang taumbayan kung Pilipino nga ba si Guo na lumaki aniya sa farm o totoong pineke ang kanyang Filipino citizenship?

Mayroon bang malakas na pressure, Kume, at hindi ninyo mailabas ang update sa kaso ni Guo o mayroong isang mataas na tao ang pumipigil sa inyo at may opisyal na kumita ng nakalululang halaga para ito’y pagtakpan?

Maraming tumaas ang kilay sa BI employees dahil sa rami ng opisyal ng gobyerno ay bakit nag-courtesy call pa itong si Viado sa bagong secretary ng Presidential Communications Office na si Jay Ruiz. Nagsiguro kaya si Kume na hindi masilip ng Palasyo ang iba’t ibang katiwaliang nangyayari ngayon sa BI?

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text lamang ako sa 09158888410.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

15

Related posts

Leave a Comment