CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NATUKLASAN ng Commission on Audit (COA) na ginamit ni Marikina Mayor Marcy Teodoro ang pondo ng PhilHealth sa pagbiyahe sa Vietnam na nagpalakas sa kanyang kasong technical malversation sa Ombudsman.
Base sa natuklasan ng COA, kasama sa Vietnam trip na ito si Cong. Maan Teodoro, mga konsehal at iba pang opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina.
Marami ang nagpuputok ang butse ngayon dahil sa milyong pondo mula sa PhilHealth na sa halip sa proyektong pangkalusugan ginamit ay nauwi para sa gastos sa biyaheng Vietnam ng grupo ng alkalde.
May mali ba? Kung totoong ginastos nga sa biyahe ay malaking sablay ‘yan ng alkalde kasi base sa Universal Health Care Law, ang mga pondo galing sa PhilHealth ay dapat lamang ilaan sa mga programang pangkalusugan.
Iniulat din ng COA na sumuri sa mga transaksyong pinansyal mula 2023 hanggang unang bahagi ng 2024, nabigo ang Marikina na magtatag ng Special Health Fund (SHF) alinsunod sa Republic Act No. 11223 o Universal Health Care (UHC) Law.
Lahat ng LGU ay kinakailangang bumuo ng SHF para sa maayos na pamamahala ng pondong pangkalusugan.
Sa kasamaang palad, hindi pa tuluyang nabubuo ng City Government of Marikina ang SHF ng lungsod. Dahil walang SHF, ang pondong nakukuha mula sa national government, gaya ng PhilHealth reimbursements, ay iniipon ng City Government sa Trust Fund – Health Care Institution (TF-HCI) Fund.
Base sa COA, may kabuuang P45.62 milyon pondo mula sa PhilHealth claims at reimbursements ang ginamit ng City Government sa hindi nakatakdang paggagamitan nito.
Noong Setyembre 6, 2023, ipinasa ng Sanggunian ang ordinansang naglalaan ng pondo mula sa PhilHealth reimbursements para sa mga kagamitang hindi pangkalusugan. Pinirmahan ito ni Mayor Marcy noong Setyembre 8, 2023.
Sa kabila ng pagiging trust fund, ginamit ng City Government of Marikina ang P94.7 milyon mula sa TF-HCI para sa “Other Supplies and Material Expenses” para sa taong 2024.
Natuklasan din ang ibang pinaggamitan ng pondo tulad ng pagbili ng pagkain at inumin, IT equipment (P8 milyon), pagkukumpuni ng imprastraktura (P25 milyon), hindi tiyak na donasyon (P6 milyon), at iba pang gastusin (P91 milyon).
Kabilang dito ang isang cash advance para sa biyahe ng mga opisyal ng lungsod sa Ho Chi Minh City, Vietnam noong Setyembre 2023, kung saan kasama si Teodoro at kanyang asawang si Maan.
Isa sa mga reklamo ay wala umanong ebidensyang nagpapatunay na ang biyahe ay para sa mga programang pangkalusugan.
Ayon sa COA, hindi masinop ang pagmomonitor at pag-record ng City Government sa paggamit ng TF-HCI Fund. Ang pondo na dapat nakalaan sa programang pangkalusugan ay ginamit sa mga proyekto at gastusing wala sa Annual Investment Plan ng lungsod.
Kaya naman hinikayat ng COA ang pamahalaang lungsod na sumunod sa UHC Law at tiyakin na ang lahat ng pondong pangkalusugan ay nagagamit nang tama para sa kapakanan ng mamamayan ng Marikina.
