GIYERA NG ISRAEL AT IRAN UMABOT NA SA PINAS?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

HINDI man umabot sa Pilipinas ang mga rocket na pinakakawalan ng magkalabang bansa ng Israel at Iran, apektado pa rin ang bayan ni Juan dela Cruz sa dahil sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Kamakalawa, nagpatupad na ng pagtaas ng presyo ng kanilang mga produkto ang mga kumpanya ng langis sa bansa.

Hinati sa dalawang beses ang pagtataas ng presyo ng kanilang mga produktong petrolyo na sinimulan na noong isang araw sa halagang P1.75/L sa gasolina, P2.60/L sa diesel at P2.40/L sa kerosene sa unang linggo na pagtataas.

Samantala, ipatutupad din ng mga kumpanya ng langis ang ikalawang pagtataas ng presyo ng kanilang mga produkto sa halagang P1.75/L sa gasolina, P2.60/L sa diesel at P2. 40/L sa kerosene.

Ginawang dalawang beses ang ginawang pagpapatupad ng pagtaas ng mga produktong petrolyo ng mga kumpanya matapos na pakiusapan sila ng gobyerno na ‘wag biglain ang pagtataas ng mahigit sa limang piso kada litro ng kanilang mga produkto.

Ayon kay Modesto “Mody” Floranda, presidente ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide, mahigit limang piso araw-araw at pito hanggang siyam na libong piso kada buwan ang nawawala sa kita ng mga tsuper dahil sa dagdag na presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon naman kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Teofilo Guadiz III, mayroon namang mahigit sa dalawang bilyong pisong oil subsidy ang gobyerno para sa mga pampublikong sasakyan.

Ang ayudang ito ay pansamantala lamang at hindi tatagal at kung magpapatuloy ang gulo sa Israel at Iran ay patuloy rin ang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Paano na ang pamilya ng mga tsuper?

Bakit naman daw mabilis ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo? ‘Di ba may mga stock na produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis na ‘yan?

‘Di ba kayang kontrolin ng gobyerno ang mga kumpanya ng langis sa Pilipinas?

May nagsasabi rin na dapat alisan muna ng buwis ang mga produktong petrolyo para kahit papaano ay makabawas ito sa presyo.

Lalo pang tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo kapag itinuloy ng Iran na kanilang banta na isasara ang Strait of Hormuz na dinadaanan ng mga tanker ng langis sa Middle East, kaya posibleng umabot ng P20 hanggang P50 ang itataas kada litro.

Walang ibang pinakamagandang gawin ng mga Pilipino kundi ipagdasal na matapos na ang sigalot sa pagitan ng Iran at Israel kung saan ay sumali na rin ang Amerika sa nasabing giyera.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

32

Related posts

Leave a Comment