GLOBAL COMPETITIVENESS NG GRADUATES IANGAT

UPANG makapagsagawa ng komprehensibong pagsusuri sa buong sektor ng edukasyon at maisulong ang global competitiveness ng mga nagsipagtapos sa bansa, nakatakdang ihain ni Senador Win Gatchalian ang substitute bill ng panukalang Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2.

Rerepasuhin ng panukalang EDCOM 2 ang pagtupad sa mandato ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHEd), at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) tungo sa mas maigting na ugnayan sa sektor ng edukasyon.

Susuriin din ng naturang panukala ang papel ng digital transformation sa edukasyon.

“Dahil nagiging global na ang labor markets at ang mga nagtatrabaho ay mas madali nang makagalaw sa iba’t ibang lugar, ang kalidad ay hindi na lamang katumbas ng pagtupad sa mga locally set standards. Katumbas na ng kalidad ang pagiging globally competitive,” pahayag ni Gatchalian sa isang roundtable discussion na isinagawa ng University of the Philippines Center for Integrative and Development Studies.

“Nagiging normal na ang tinatawag nating employment mobility. Dahil sa internet, mas madali nang magkaroon ng trabaho mula sa ibang bansa,” dagdag pa ng senador.

Para sa chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, dapat tugunan ng EDCOM 2 kung paano isusulong ang global competitiveness sa hanay ng mga nagtapos ng kolehiyo.

Upang iangat ang global competitiveness ng graduates, dapat tiyakin na akma ang qualifications framework ng bansa sa mga internationally recognized qualification standards, ayon kay Gatchalian. Paliwanag niya, ang Philippine Qualifications Framework (PQF) ay dinisenyo upang maging akma sa ASEAN Qualifications Reference Framework. Ito ay upang tiyakin na ang mga graduates ng bansa ay may taglay na mga kakayahan upang maging globally competitive. (ESTONG REYES)

204

Related posts

Leave a Comment