HINDI makadadalo sa pagbubukas ng Kongreso at maging sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo matapos magpositibo sa COVID-19.
Sa statement ng tanggapan ni Arroyo, sa pamamagitan ng kanyang chief of staff na si Erwin Krishmas Santos, nagpositibo ang dating pangulo sa antigen test noong July 15.
Agad umano itong isinailalim sa self-quarantine at nasa pangangalaga ng kanyang doctor na si Dra. Martha Nucum.
Muling isinailalim sa RT-CPR test si Arroyo noong July 22, para makadalo sana sa pagbubukas ng Kongreso at SONA ni Marcos subalit positibo pa rin umano ito sa COVID-19.
“Therefore, the former head of state will not attend the SONA,” ani Santos.
Bilang pagtiyak sa kaligtasan ng mga dadalo sa SONA, inoobliga ang lahat ng inimbitahan na magpa-RT-PCR test.
Walang exempted sa nasabing health protocols dahil maging ang mga mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso ay dapat dumaan sa pagsusuri at magpakita ng kopya ng RT-PCR test na negatibo ang resulta bago papasukin ang mga ito sa mga gusali sa Batasan Pambansa bukas. (BERNARD TAGUINOD)
