GO DUMISTANSYA SA ISYU KUNG DAPAT UMALIS SI PACQUIAO SA PDP-LABAN

DUMISTANSYA si Senator Christopher Bong Go sa isyu kung dapat na bang umalis sa PDP-Laban si Senator Manny Pacquiao.

Sinabi ni Go na iginagalang nila ni Senator Pacquiao ang isa’t isa at nakapag-usap na sila dati pa kahit noong wala pang isyu ng pulitika sa kanilang partido.

Ayon kay Go, pareho silang miyembro ng PDP-Laban at pareho silang senador Nilinaw din ni Go na ang ibig sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na kung kasama mo siya sa partido ay dapat na tulungan mo siya partikular sa isyu ng korapsyon.

Inihayag ni Go na bilang tulong sa pangulo, pangalanan ang mga sinasabing korap sa gobyerno para matugunan ng pangulo at matigil ang korapsyon.

Nilinaw din ni Go na hindi niya masasagot kung ano ang nararamdaman nina Pangulong Duterte at Senator Pacquiao maliban lang sa pagiging magkakasama sa partido.

Samantala, aminado si Go na hindi maiiwasan ang mga corrupt sa gobyerno sa kabila ng matinding kampanya ng administrasyon.

Sinabi ni Go na ito ang mga dapat na pangalanan at tukuyin para malinis ang pamahalaan mula sa mga taong nagsasamantala sa puwesto.

Binigyang diin ni Go na wala silang sinasanto ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya kahit sino, kung may ebidensiya, dapat pangalanan para masibak sa trabaho
Kaugnay nito ay nanawagan si Go sa publiko na tulungan si Pangulong Duterte sa paglilinis nito sa mga corrupt sa gobyerno dahil ipinangako niya ito sa sambayanan.

Dagdag ni Go na seryoso ang kampanya laban sa korapsyon sa gobyerno kaya naman hinimok niya ang sambayanan na isumbong sa kanila ng pangulo o kaya ay sa Presidential Anti-Corruption Commission o PACC sa pangunguna ni Commissioner Greco Belgica. (ESTONG REYES)

144

Related posts

Leave a Comment