TINAWAG na sirang plaka ni Senador Bong Go si dating Senador Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV sa paglalabas ng mga anya’y rehashed na fake news.
“Lumang tugtugin na ‘yan. Halatang sirang plaka itong si Trillanes. Noong September 2018, may mga akusasyon siya sa akin. Sa kakabintang niya sa akin, naging senador po ako. Ganito ang style ni Trillanes, pipintahan niya ng itim kami ni Pangulo para siya ang pumuti,” saad ni Go.
“Tingnan nyo, hubaran nyo ‘yan, makikita nyo napakadumi nyan. Siguro ang dugo nya, marumi pa sa acetic, ‘yung oil. Ganun po kalapot ang dugo ng taong ‘yan. Napakadumi ng budhi. Mag-iimbento ‘yan, ibig sabihin bloated po,” diin pa ng senador.
Una nang binuhay ni Trillanes ang akusasyon na sangkot si Go at si Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong P6.6 billion plunder dahil sa pagbibigay ng mga government project sa kumpanyang pag-aari ng ama at kapatid ng senador.
“Walang bago sa akusasyon niya. Rehashed issue, fabricated o bloated na mga numero na ilang taong maling ipinagdudugtong para lumaki ang halaga to make it look as if may plunder o anomalya na nangyari when, clearly, these transactions went through public bidding and proper procurement procedures in accordance with our laws,” diin pa ni Go.
“Eh wala naman po akong kinalaman diyan. Kahit ilang taon na pong lumipas iyan, wala naman po akong kinalaman diyan at wala po akong pakinabang diyan. Ni piso po wala po akong pakialam diyan,” paliwanag pa ng mambabatas.
Ipinaalala pa ng senador kay Trillanes na hindi maikukonsiderang plunder ang anomang lehitimong transaksyon sa gobyerno.
“Naging mambabatas ka naman, Trillanes, at may mga abogado ka rin naman, paano naging plunder laban sa akin at kay Pangulong Duterte ang isang lehitimong transaksyon ng gobyerno na wala naman kaming kinalaman?” diin ni Go.
Muling iginiit ni Go na hindi niya hinahayaan ang kanyang pamilya na manghimasok sa anomang transaksyon sa Davao City Hall.
“Ako naman po sinagot ko na ‘yan. Tanungin nyo po ang mga tao dito sa city hall of Davao, 2001 po nagtrabaho ako dyan, di po nakakapasok ang aking mga magulang dyan. Sinabi ko sa kanila kapag kayo pumasok, magreresign po ako. That’s delicadeza,” giit ni Go.
“Sinabi ko na sa kanya noon na kung mapapatunayan niya ang paratang niya, magre-resign kaagad ako. Nakalipas na po ang halos tatlong taon at wala namang napatunayan si Trillanes,” dagdag nito.
“Ngayon na papalapit na naman ang eleksyon, nire-recycle na naman niya ang lumang fake news. Lumang tugtugin, lumang basurang itinatapon sa akin. Kumita na yang style mo, Trillanes. Kumita na ang style mo na magtatapon ka ng maitim na putik para lang ikaw naman ang magmukhang puti at malinis,” diin ni Go.
Hinamon na lamang ni Go si Trillanes na magsampa ng kaso.
“Mr. Fake News, Trillanes, huwag ka nang magpaliguy-ligoy pa. Kung tingin mong may korapsyon na nangyari, kasuhan mo para mapanagot. May proseso at hukuman na makapagpapatunay ng mga iyan. Huwag mo daanin sa istilo mong bulok,” hamon ni Go.
“Nagtatrabaho ako dito para magserbisyo sa aking kapwa Pilipino. Ikaw nasaan ka, Mr. Fake news?,” diin pa nito. (DANG SAMSON-GARCIA)
255 