GO: SOLUSYON SA KRISIS ISABAY SA PANAWAGANG PAGTITIPID NG TUBIG

HINIMOK ni Senador Christopher “Bong” Go ang gobyerno na sabayan ng mga solusyon sa krisis sa suplay ng tubig ang kanilang panawagan sa publiko para sa pagtitipid sa paggamit nito.

“Kailangan rin po natin sa mga ahensya ng gobyerno, sa mga LGUs, lalo na sa mga barangay level, mas paigtingin po natin ‘yung kampanya sa water conservation. Kung hindi naman po kailangan, ‘wag n’yong gamitin ‘yung tubig, i-check n’yo kung may mga leakage para walang masayang. Gamitin lang natin nang tama para hindi tayo magkaroon ng water shortage,” saad ni Go.

Kinalampag ng senador ang mga water service providers sa kanilang mandato na tiyaking hindi mapapatid ang kanilang serbisyo.

“Bilisan natin itong mga pipeline rehabilitation. Katulad sa Maynilad, na-privatize na po ito para sana magkaroon ng maayos na serbisyo. Willing naman po ang taumbayan na magbayad nang tama, sapat basta maayos lang po ‘yung serbisyo,” giit ni Go.

Nanawagan din ang senador sa gobyerno na paigtingin ang kampanya sa tamang paggamit ng tubig at iukit sa bawat isa ang environmental responsibility.

Dapat din anyang paigtingin ang greening program bilang long-term solution.

“Ang long term solution naman po nito itong greening program, kailangan na mas maraming punongkahoy na itatanim natin sa ating mga watershed. When I say greening program, hindi lang magtanim ng seedlings, tapos iwanan na. Kailangan po mayro’ng follow-up. Kaya po tayo mayroong DENR din po na pwedeng mamahala dito,” dagdag ng senador.

(Dang Samson-Garcia)

168

Related posts

Leave a Comment