BINABANTAYAN ng gobyerno ang pagtaas ng presyo sa consumer market.
Napansin umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tumaas na ang presyo ng ilang kalakal.
“Iyon lamang binabantayan natin ngayon ‘yung price gouging. Dahil ang dami ko nang nakita nagtataas ng presyo, hindi naman tumaas ang presyo ng langis. So, iyon ang babantayan natin ngayon. That’s what we are going to watch,” ang sinabi ng Pangulo sa mga mamamahayag.
At nang tanungin kung magpapatuloy ang subsidiya sa mga driver at iba pang sektor, tinuran ng Pangulo na kapag ang presyo ay hindi nagbago, ito’y magiging “business as usual.”
“Kung hindi nagbago ‘yung presyo, then we do the same like before. Ang sinasabi namin hindi ayuda, subsidy ‘pag tumaas ang presyo,” ayon sa Pangulo.
“Eh kung hindi tumaas ang presyo ng langis, then there is no need for that. We can proceed–, we can do business as usual,” ang sinabi pa rin ng Chief Executive.
Samantala, sa ulat, dalawang beses na magpapatupad ang mga kompanya ng langis ng umento sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong huling linggo ng Hunyo.
Ito ay kasunod ng pagpayag ng mga kompanya ng langis na utay-utayin o unti-unting ipatupad ang big-time oil price hike simula araw ng Martes, June 24.
Resulta ito ng pakikipag-usap ng mga opisyal ng Department of Energy (DOE) sa mga kinatawan ng mga kompanya ng langis na positibo namang tumugon sa kahilingan ng gobyerno.
Nitong Martes, epektibo alas-6:00 ng umaga, nagpatupad ang tatlong malalaking kompanya ng langis (Shell, Petron, Seaoil) umentong ₱2.60/L sa diesel, sa gasolina naman ₱1.75/L, habang sa kerosene ₱2.40/L ang itinaas.
Ngayong Huwebes, June 26, parehong umento sa mga produktong petrolyo ang ipatutupad.
Ayon sa DOE, isinumite ng mga kompanya ng langis ang kanilang implementation scheme kabilang ang breakdown ng staggered adjustments kahapon.
Ginawa naman ang naturang hakbang sa gitna ng pangamba sa pandaigdigang suplay ng langis dahil sa labanan sa pagitan ng Israel at Iran kung saan nakialam na rin ang Amerika.
Inihahanda na rin ng pamahalaan ang fuel subsidy para sa mga maaapektuhang operators at drivers ng mga pampublikong transportasyon.
(CHRISTIAN DALE)
