KINUMPIRMA ni Senador Sherwin Gatchalian na mayroon pang kabuuang P182.8 bilyon ang gobyerno upang palakasin ang mga hakbang sa pagtugon at rehabilitasyon ng mga pinsalang dulot ng mga nagdaang kalamidad sa bansa.
Batay sa datos mula sa opisina ng senador, kabilang sa 2025 national budget na magagamit para sa rehabilitasyon at pagtugon sa mga sakuna ang ₱7 bilyong balanse mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund, ₱6.4 bilyon mula sa Quick Response Fund, at ₱287 milyong pondo para sa Disaster Response Operations ng Office of Civil Defense.
Bukod dito, may natitirang ₱15 bilyon sa Local Government Support Fund, ₱12 bilyon sa Contingent Fund, at ₱141 bilyon sa Unprogrammed Appropriations, partikular sa ilalim ng Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs.
Para naman sa 2026 national budget, layunin ng chairman ng Senate Committee on Finance na dagdagan pa ang pondo para sa mga ahensyang nangunguna sa post-disaster reconstruction, kabilang ang muling pagpapatayo ng mga silid-aralan, pagsasaayos ng mga makasaysayang imprastraktura tulad ng mga lumang simbahan na nasira ng lindol, at pagbibigay ng pabahay sa mga nawalan ng tirahan.
(Dang Samson-Garcia)
