DPA ni BERNARD TAGUINOD
LIMA ang pangunahing tungkulin o responsibilidad ng gobyerno sa mamamayan na kinabibilangan ng pagpapanatili sa kaayusan ng lipunan, pagbibigay ng serbisyo at pangangailangan tulad ng edukasyon, kalusugan, seguridad at iba pa.
Pangatlo ang paglikha ng mga batas at regulasyon para maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng mamamayan, pang-apat ang pagpapaunlad ng ekonomiya at pang-lima ang pagpapalaganap ng katarungan at pagkakapantay-pantay.
Wala riyan ang pagpapahirap sa mamamayan sa pamamagitang ng sangkaterbang buwis na ipinapataw sa mamamayan lalo na sa middle class o working class na siyang tunay na nagbabayad ng buwis at bumubuhay sa gobyerno, kasama na ang overseas Filipino workers (OFWs), habang ang mga bilyonaryo ang binabawasan ng buwis.
Nitong nakaraang mga araw, maingay ang social media hinggil sa 20% na buwis na ipapataw ng gobyerno sa tubo ng pera ng isang Pinoy na nakadeposito sa mga bangko. Kakarampot na nga, makikihati pa.
Marami ang naalarma dahil ang unang lumabas ay deposito ang bubuwisan ng 20% at nilinaw ng gobyerno na tanging ang interest ang bubuwisan. Pero kahit na, hindi makatarungan na maging ito ay bubuwisan ng gobyerno na hindi naman nararamdaman ang kanyang presensya.
Heto pa, kapag may ipinamana kang real property sa mga anak mo, magbabayad sila ng 10% sa kabuuang halaga ng ari-arian mula sa 6%. Pinaghirapan mong maipundar ang ari-arian mo at nagbabayad ka na ng real property tax taon-taon at kapag ipinamana mo ay magbabayad pa rin ang magmamanahan mo? Saan ang hustisya?
Hindi lang ang lupa ang binubuwisan ng gobyerno taon-taon kundi maging ang bahay pero wala namang naitulong ang gobyernong ito para maipundar ng isang Pilipino ang kanyang ari-arian, tapos makikihati pa sila?
Nagkakatotoo talaga ang sinasabi ng mga tao na ang “the biggest scam in life: Paying taxes on the money you make; paying taxes on the money you spend; and paying taxes on things you own that you already paid taxes on with already taxed money”.
Habang buhay ka binubuwisan ng gobyerno kaya sila ang nagpapahirap sa iyo imbes na tulungan ka nila na umayos ang buhay mo, kaya maituturing nga na malaking scam ang pamahalaan.
Okey lang sana kung ramdam mo ang mga buwis na binabayaran mo na kapag nagkasakit ka ay ipagagamot ka nila, okey lang sana na patatapusin ng pag-aaral hanggang kolehiyo ang anak mo, okey lang sana kung maayos ang infrastructure projects na ginagawa nila.
Kaso kabaliktaran ang nangyayari. Maraming tao ang takot na magpagamot dahil malaki ang gastos, maraming kabataan ang napipilitang tumigil sa pag-aaral pagkatapos ng basic education dahil hindi nila kaya ang tuition at iba pang gastos, at sa mga imprastraktura, mas malaki ang kinukupit sa pondo kaya dispalinghado at hindi nagtatagal.
Sa ibang bansa tulad ng Finland, malaki nga ang taxes na umaabot ng 57.65% ang buwis pero libre ang edukasyon, libre ang hospitalization at kapag wala kang trabaho, bibigyan ka ng gobyerno na allowance at tutulungan ka ng gobyerno nila na magkatrabaho. Pero rito sa Pinas? Scam ang tax.
