Gobyerno ‘wag puro face shield SOLID STRATEGY VS OMICRON ILATAG

HINIMOK ni Senador Leila de Lima ang gobyerno na maglatag ng solid strategy upang labanan ang Omicron coronavirus variant at huwag lang umasa sa pagbabalik ng pagsusuot ng face shield.

Iginiit ni de Lima na kritikal ang bawat desisyon at hakbangin ng gobyerno upang makontrol ang COVID-19 pandemic at maging mas proactive.

Sinabi pa ng mambabatas na dapat ngayon pa lang ay alam na ng gobyerno na dapat silang maglatag ng mga solidong hakbangin upang mapigilan ang pagpasok ng Omicron variant sa bansa.

Hindi aniya sasapat ang reactive response sa paghawak sa panibagong banta sa kalusugan na itinuturing na seryosong problema sa healthcare system.

Sinabi ng senadora na kabilang sa kailangang gawin ay tiyakin ang mahigpit na border control at pagpapalakas pa ng kampanya upang malunasan ang vaccine hesitancy.

Binigyang-diin pa ni De Lima na dapat nang maresolba ngayon ang isyu ng vaccine hesitancy upang mas maraming buhay ang mailigtas sa virus.

Iginiit din niya na hindi maaaring hintayin na lang ang pagdating ng mas mabagsik na variant o umasa sa mga palpak na solusyon.

Libreng mass testing

Samantala, pagpapalakas naman sa libreng mass testing ang mungkahi sa pamahalaan ng isang mambabatas sa Kamara upang makontrol ang pagkalat ng Omicron variant sa sandaling magkaroon na ng kaso nito sa bansa.

Ayon kay House deputy minority leader Carlos Zarate, kailangang paigtingin ang mass testing upang matukoy agad kung sino ang mga positibo sa COVID-19.

“Of course, free mass testing should also go hand in hand with fast and serious contact tracing to effectively contain this new variant. These should all be funded by government, not just the vaccinations,” ayon sa kongresista.

Sa ngayon ay limitado ang mass testing na isinasagawa ng gobyerno kaya marami ang napipilitang magbayad ng P2,800 para magpa-RT-CPR test.

Hindi aniya ito kaya ng mga ordinaryong tao kaya kahit may sintomas na ay hindi nagpapasuri na isa sa mga posibleng dahilan ng pagkakaroon ng hawaan.

“We therefore strongly call for the national government to increase the funding and to level up the capacity of the under funded Philippine Genome Center,” paliwanag pa ni Zarate.

May sapat na pondo aniya ang gobyerno para rito at isa sa mga maaring pagkunan ay ang National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

“Hindi dapat tinatakot at inoobliga ang mamamayan, lalo na ang mahihirap at mga manggagawa na pasanin ang gastos sa testing lalo pa ngayon na binubuksan na ang mga negosyo at mga empresa,” ayon pa sa solon. (DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

160

Related posts

Leave a Comment