GOITIA: PILIPINAS WALANG ISUSUKONG TERITORYO

IGINIIT ni Dr. Jose Antonio Goitia na hindi dapat umatras ang Pilipinas sa usapin ng soberanya at karapatang pandagat ng bansa, lalo na sa harap ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea.

Ayon kay Goitia, hindi maaaring palampasin ang mga pag-atake laban sa legal na posisyon ng Pilipinas at sa mga institusyong tulad ng Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Ang mga pag-atake sa legal na posisyon ng Pilipinas, lalo na laban sa PCG at AFP, ay hindi maaaring palampasin. Kapag pinahihina ang mga institusyong nagtatanggol sa Republika, ang neutralidad ay nagiging pagsuko,” ani Goitia.

Sinabi rin niya na ang mga panawagan para umatras ang bansa sa mga isyung pandagat ay maaaring magdulot ng paghina ng depensa ng Pilipinas at magpalakas sa panig ng mga umaangkin sa teritoryo nito.

Binigyang-diin ni Goitia na nakabatay ang karapatan ng Pilipinas sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 arbitral ruling na pumabor sa bansa at nagbasura sa nine-dash line claim ng China.

“Ito ang anyo ng pagkatalo na walang putok ng baril. Nauuna ang pagsuko ng argumento bago ang mismong laban,” aniya.

Ipinaliwanag din ni Goitia na hindi kinakailangan ng hiwalay na koordinado upang maitatag ang Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas dahil nagmumula ito sa archipelagic baselines ng bansa, alinsunod sa UNCLOS.

Nagpahayag din siya ng pangamba sa epekto ng mga pahayag ng ilang opisyal at personalidad na umano’y nagkuwestiyon sa karapatang pandagat ng bansa. Kabilang sa binanggit niya sina Senador Rodante Marcoleta at Senador Robin Padilla.

Tinukoy rin niya ang mga kritisismo ng mga opisyal ng China laban sa PCG, kabilang ang mga briefing ni Commodore Jay Tarriela, bilang bahagi umano ng disinformation campaign.

4

Related posts

Leave a Comment