MARIING kinondena ng mga mamamahayag na nagko-cover sa Mababang Kapulungan ng Kongreso si Leyte 4th District Rep. Richard Gomez dahil sa kanyang mapanirang pahayag laban sa media na nagtangkang kunin ang kanyang panig kaugnay ng mga flood control project sa kanilang lalawigan na gumuho kahit bago pa lamang ipinatayo.
“We, members of the media covering the House of Representatives, collectively denounce the baseless and spiteful utterances from Rep. Richard Gomez imputing impropriety in the actions of a number of our colleagues who tried to get his side on a matter of direct bearing to his office and his constituency,” ayon sa pahayag ng House media na inilabas kahapon.
Nagsimula ang isyu matapos paimbestigahan ni Matag-ob Mayor Bernie Tacoy ang flood control project na ipinagawa umano ni Gomez sa kanilang bayan. Gumuho ang naturang istruktura nang bumaha, at nadiskubreng maliliit na bakal lamang ang ginamit sa proyekto.
Dahil dito, hiningan ng pahayag ng media si Gomez. Subalit sa halip na tumugon, ipinost ng kongresista sa kanyang social media account ang text messages ng mga mamamahayag, kalakip ang kanilang pangalan at numero.
Kasunod nito, ibinulalas ni Gomez sa social media:
“Mahal din itong media spin na ginagawa nila against me. Look at the similarities of the different socmed and agencies asking questions. Alam na alam mong merong nagkukumpas. Alam na alam mong ginastusan. Ayus ahhh. Gastos pa more mga ungas.”
Ayon sa House media, ang ganitong pahayag ay “unfounded allegations made with reckless disregard for the personal safety of the journalists involved” at isang malinaw na kawalan ng respeto sa maayos na pakikitungo ng media at mga miyembro ng Kamara.
Mariin ding kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang naging asal ni Gomez, iginiit na trabaho lamang ng mga mamamahayag ang maging patas sa pagbabalita kaya’t nararapat lamang na hingan nila ng panig ang kongresista.
Sa kabila nito, tiniyak ng House media na patuloy nilang susundin ang pamantayan ng propesyonalismo: “Notwithstanding the apparent hostility by which the Honorable Gomez views the members of the House Media, we would rather take the high road if only to avoid acrimony at a time when there are much more pressing matters affecting the nation that require both our attentions.”
Dagdag pa nila: “We choose courtesy and decorum over animosity.”
Gayunman, nananatili pa rin silang bukas na isama ang panig ni Gomez sa kanilang ulat hinggil sa nasabing flood control project sa Matag-ob, Leyte.
(BERNARD TAGUINOD)
56
