ARESTADO ng Pasay City Police sa lalawigan ng Albay ang isa sa dalawang suspek na nagnakaw at nang-abuso sa dalawa sa 13 massage therapist sa Pasay City noong Agosto 29.
Kinilala ang suspek na si alyas “Vince”, ng Legazpi City, Albay. Natunton ito sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya.
Matatandaan na pinasok at pinagnakawan ng dalawang armadong lalaki na sakay ng puting motorsiklo, ang mga biktima matapos pasukin ang massage parlor sa Cabrera St., Barangay 140 sa lungsod.
Dalawa sa 13 massage therapist ang iniulat na inabuso, habang ang iba ay ninakawan ng kanilang pera at personal na mga gamit.
Agad na iniutos ni Pasay City Mayor Emi Rubiano ang pag-aresto sa mga suspek na agad namang tinugon ng pulisya.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa naarestong suspek.
(CHAI JULIAN)
103 