Gomez Leads Crackdown on Fake News: ‘May Pananagutan ang Kasinungalingan’

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

SA gitna ng walang humpay na pagkalat ng maling impormasyon sa social media, malinaw ang naging tindig ng Presidential Communications Office (PCO) sa ilalim ng pamumuno ni Dave Gomez, na hindi uurong ang pamahalaan, at hindi papayag na manaig ang kasinungalingan.

Isang mahalagang hakbang ang inanunsyo ng PCO: tutukuyin, hahanapin, at sasampahan ng kaso ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng maling balita hinggil sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Sa panahong mabilis kumalat ang fake news, hindi lamang simpleng tugon ang ganitong aksyon, isa itong malinaw na babala na may pananagutan ang bawat nagkakalat ng kasinungalingan.

Hindi biro ang epekto ng disinformation.

Maaari nitong guluhin ang isip ng publiko, pahinain ang tiwala sa pamahalaan, at ilihis ang atensyon mula sa tunay na mga isyung dapat pagtuunan. Kaya naman kapuri-puri ang maagap na pagkilos ng PCO, lalo na’t napansin nila ang sabay-sabay at organisadong pagkalat ng maling impormasyon, na isang indikasyon na may mas malalim na layunin ang mga nasa likod nito.

Sa pamumuno ni Secretary Gomez, ipinakita ng ahensya na hindi sapat ang simpleng pagkontra sa fake news.

Kailangan itong harapin nang may tapang at konkretong aksyon, na mula sa pagtukoy sa mga responsable hanggang sa pagsasampa ng kaso laban sa kanila.

***

Samantala, nananatiling matatag si Pangulong Marcos Jr., ayon mismo sa kanyang pahayag ay maayos ang kanyang ang kalusugan matapos ang pinagdaanang kondisyon. Higit pa rito, nananatili ang kanyang pokus sa mas malalaking hamon ng bansa, partikular ang energy emergency, na isang isyung direktang nakaaapekto sa bawat pamilyang Pilipino.

Sa huli, laban ng katotohanan ang laban kontra disinformation. At sa kasalukuyang direksyon ng PCO, malinaw na hindi lamang nagmamasid ang pamahalaan kundi kumikilos, naninindigan, at handang ipagtanggol ang tama.

***

Sa Bureau of Customs (BOC) ay mas pinaigting nina Commissioner Ariel Nepomuceno at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) district collector Atty. Yasmin Mapa ang digmaan kontra droga

Sa gitna kasi ng patuloy na banta ng ilegal na droga sa bansa, muling pinatunayan ng BOC na hindi ito magpapahuli sa laban.

Sa pamumuno ni Comm. Nepomuceno, pinaigting ang kampanya kontra droga, isang hakbang na hindi lamang nagpapakita ng matibay na liderato kundi ng malinaw na direksyon tungo sa mas ligtas na Pilipinas.

Ang matagumpay na pagkakasabat ng mahigit P20.65 milyong halaga ng hinihinalang ecstasy at shabu sa NAIA, ay patunay na gumagana ang estratehiya ng ahensya. Hindi ito basta operasyon lamang, resulta ito ng masusing intelihensiya, koordinasyon, at determinasyon na harangin ang pagpasok ng lason sa ating lipunan.

Dito rin umangat ang papel ni Collector Mapa, na tahimik ngunit epektibong nagpapatupad ng mahigpit na pagbabantay sa mga pintuan ng bansa. Sa ilalim ng kanyang pangangasiwa, lalong pinatatag ang seguridad sa NAIA, na nagsisilbing pangunahing depensa laban sa mga sindikatong nagtatangkang makalusot.

Hindi maikakaila na ang ganitong uri ng pamumuno—matatag, disiplinado, at may malinaw na layunin, ang siyang kailangan sa panahong ito.

Ang pinagsamang puwersa nina Nepomuceno at Mapa, ay nagpapakita na kapag ang liderato may integridad at malasakit, may resulta itong konkretong tagumpay.

Sa huli, ang laban kontra droga ay hindi lamang trabaho ng iilang ahensya, laban ito ng buong bansa. Ngunit sa likod ng bawat matagumpay na operasyon, mahalagang kilalanin ang mga lider na hindi natitinag sa kanilang tungkulin. Sa kasong ito, malinaw na may mga opisyal na tunay na kumikilos para sa kapakanan ng mamamayan.

***

Sa ibang bansa, ‘pag palpak ang serbisyo ng Electric Corporation, nagpapadala ng “apology letter” ang gobyerno at ang kompanya ng koryente.

Sa atin, notice of disconnection ang matatanggap at walang “sorry po” kasi palpak ang serbisyo ng tulad ng Meralco.

At ingatan n’yo ang inyong resibo ng binayaran, itago, ipunin, kasi may mga loko sa mga branch ng Meralco na sisingilin ka sa mga buwan na bayad ka na.

Kasi sa computer daw nila, sasabihin, ganitong taon o buwan e, walang rekord na nagbayad ka.

Kapag wala kang naipakitang resibo, tapos ka na: putol ang koryente mo ‘pag di mo binayaran ang “utang” mo na bayad naman kaya lang wala kang maipakitang resibo.

Kung maipakita mo na bayad ka, sasabihin, ay “Nakita na po sa computer, nakabayad na pala kayo!”

Putang-ama!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

72

Related posts

Leave a Comment