PRO HAC VICE Ni BERT MOZO
TAMA LANG! Good choice ika nga ang itinalagang chairman ng Commission on Election na si Atty. George Garcia.
‘Yan ay dahil sa expertise ni Chairman Garcia sa election law dahil porte niya ang election cases simula nang siya ay maging ganap na abogado noong 1990s.
Si Chairman Garcia ay mahinahong magsalita, approachable sa lahat ng media entities, walang maraming kiyeme kapag tinatanong sa isyu ng halalan, higit sa lahat ay matalino at alam ang pasikot-sikot ng election laws.
Nito lamang ilang araw matapos na ianunsyo ang kanyang pagkakatalaga bilang Comelec Chair ay kaagad nahingan ito ng kanyang pananaw kaugnay sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa darating na buwan ng Disyembre.
Ayon kay Comelec Chair Garcia, bagamat mayroon ding nakatakdang plebisito sa ilang mga lugar ay hindi naman aniya nakadepende ito sa isang electoral exercise sa isa pang electoral na kaganapan.
Paliwanag pa ni Chairman Garcia, hindi naman maaring ipagpaliban ang mga plebisito dahil mayroon ding batas ukol dito kung kailan ito dapat isagawa ng ahensya dahil naghihintay rin aniya ang mga lugar kung saan dapat magsagawa ng plebisito ang komisyon.
Tiniyak naman ni Comelec Chair Garcia ang kahandaan ng ahensya sakaling magkasabay-sabay ang national and local election at mga plebisito.
Positibo naman ang naging pananaw ni Comelec Chair Garcia na maisasakatuparan ang Barangay at Sangguniang kabataan Elections (BSKE) dahil sa ito aniya ay magreresulta sa “THRIVING DEMOCRACY” o magpapakita ng demokrasya sa Bansa.
Idinagdag pa ng bagong Comelec Chair na “IN FULL SWING” na ang COMELEC sa kanilang paghahanda para sa BSKE, kabilang na rito ang mga briefing at training ng kanilang TOP OFFICIALS.
Inihayag din ni Chairman Garcia na nakagastos na ang COMELEC ng P5 milyon na mula sa P8.4 bilyon para sa “VOTER REGISTRATION” at pagbabayad sa mga nagtrabaho para sa BSKE preparation.
Samantala, umaasa naman ang Comelec na ilalabas na rin ng Kongreso sa pagtatapos ng buwang kasalukuyan o Agosto, ang kanilang desisyon kung matutuloy ba o hindi ang 2022 BARANGAY AT SANGGUNIANG KABATAAN ELECTIONS (BSKE).
