NAPURNADA ang graduation ng neophyte congressmen matapos magpositibo umano sa COVID-19 ang isa sa mga participant sa orientation seminar.
Ito ang kumalat na impormasyon sa Kamara kahapon subalit ito ay itinanggi ng liderato ng Kamara.
“We were just advised postponed today (ang graduation). As to the reason, wala pa pong disclosed reason ang organizers,” pahayag ni Celine Buencamino ng House of Representative Information Center.
Nakatakda sana kahapon, Miyerkoles, ang graduation ng ikatlong batch ng mga bagitong mambabatas na dumaan sa orientation seminar mula noong Lunes.
Sa kanilang graduation, bibigyan ang mga ito ng certificate of participation na nagpapatunay na dumaan ang mga ito sa orientation seminar bilang mga bagong miyembro ng Kamara.
Gayunpaman, bigla itong kinansela, at ayon sa mga kumalat na impormasyon ay may nagpositibo umano na participant sa COVID-19.
Hanggang ngayon ay mahigpit na ipinatutupad sa Kamara ang health protocols kung saan araw-araw ay dumaraan ang mga pumapasok sa Batasan Pambansa sa antigen test.
Kahit ang mga mambabatas ay inoobligang sumailalim sa antigen test bago sila papasukin sa gusali at kapag may nagpositibo ay agad na daraan sa confirmation test o RT-CPR test.
Sakaling positibo sa RT-CPR test ay agad na ilalagay sa isolation ang mga ito o kaya ire-refer sa hospital para magamot. (BERNARD TAGUINOD)
