GREEN CRESCENT MANPOWER TINATAWAGAN NG PANSIN

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

ISANG panibagong kaso ng pang-aabuso at kapabayaan ang muling isinumbong sa ating OFW JUAN sa Saksi Ngayon, ng ating kababayang overseas Filipino worker (OFW) na si Noyme Olano Silvestre, 33-taong gulang, mula sa Khamis Mushait, Saudi Arabia.

Si Noyme ay nagtungo sa Gitnang Silangan sa pamamagitan ng Green Crescent Manpower International Inc. sa Pilipinas at itinalaga sa ilalim ng Qimat Alamal Group of Agency bilang foreign principal. Ngunit imbes na makahanap ng mas maayos na kabuhayan, hirap at panganib ang kanyang dinanas.

Ayon sa kanyang salaysay, nakaranas siya ng pisikal na pananakit mula mismo sa mga bata ng kanyang unang amo. Sa halip na protektahan siya, mas siya pa raw ang pinagalitan ng among babae. Dahil sa paulit-ulit na pananakit at masamang kalagayan, nagsimula siyang makaramdam ng matinding sakit hanggang sa umabot sa punto na nagsuka na siya ng dugo noong Agosto 25, 2025.

Lumabas pa sa resulta ng kanyang X-ray na may babala ang doktor hinggil sa kanyang baga at mariin itong pinaalalahanan na iwasan ang exposure sa mga chemical. Gayunpaman, matapos siyang ibalik sa agency, pinilit pa rin umano siyang magtrabaho upang makalikom ng pambili ng kanyang ticket pauwi.

Dagdag pa rito, matapos ang 21 araw ng paghihintay, isang ikalawang employer ang nagbigay ng 1,050 Riyals, ngunit matapos nito’y pinag-antay siya ng isang linggo at sinabihan pang magtrabaho muli sa ikatlong employer kahit masama pa ang kanyang pakiramdam.

Sa ngayon, si Noyme ay nananawagan ng agarang repatriation at tulong mula sa kinauukulang mga ahensya ng gobyerno, lalo na’t lumalala ang kalagayan ng kanyang kalusugan. Ang kanyang ina na si Ginang Noyme Silvestre mula sa Maninang, Sapian, Capiz ay labis na nag-aalala at umaasang makauuwi agad ang kanyang anak.

Tinatawagan ng pansin ng OFW JUAN ang Green Crescent Manpower International para sa agaran nitong aksyon bago pa man lumala ang kalagayan ni OFW Noyme.

Ang kaso ni Noyme ay patunay sa patuloy na laban ng maraming OFW laban sa pang-aabuso, kapabayaan, at kawalan ng katarungan. Isang panawagan ito para sa mas maigting na proteksyon at agarang aksyon para sa ating mga bagong bayani na nagtitiis sa ibayong dagat.

14

Related posts

Leave a Comment