PATAY ang isang tauhan ng Philippine Army habang dalawang sibilyan ang nasugatan nang sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng militar at communist terrorist group sa bayan ng Las Navas, Northern Samar.
Kinilala ng 20th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army ang napatay na sundalo na si Private First Class John Vincent Bocaboc, miyembro ng Community Support Program sa Barangay Victory, Las Navas.
Ayon sa 20th IB, nagkasagupa ang mga tropa ng gobyerno at mga rebelde noong Biyernes makaraang mapansin ni Bocaboc ang isang armadong lalaki sa barangay.
Tinamaan ng bala ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan na agad nitong ikinamatay.
Nasugatan naman sa engkwentro ang isang barangay tanod at isang 6-anyos na batang residente.
Kasalukuyang nilalapatan ng lunas ang dalawang nasugatan sa Northern Samar Provincial Hospital.
Samantala, kinondena ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang pagsalakay ng Communist Party of the Philippines/New People’s Army (CPP/NPA) sa Northern Samar nitong nakalipas na linggo naging dahilan para lumikas ang ilang pamilya dahil sa takot.
“Talagang hindi titigil ang mga teroristang ito sa paghahasik ng kaguluhan at karahasan sa ating mga komunidad sa kanilang kagustuhan na ipakita na malakas pa din ang kanilang pwersa. Pilit nilang pinagtatakpan ang katotohanan na mahina na sila at wala nang makuhang suporta para sa kanilang walang saysay na pagsulong ng armadong pakikipaglaban,” ani P/Gen. Eleazar.
“Nakagagalit na mga inosenteng sibilyan ang tinatarget ng CPP/NPA sa kanilang mga pag-atake. Palibhasa’y wala nang maniwala sa kanilang panloloko at propaganda.”
Kaugnay nito, inatasan ni P/Gen. Eleazar ang lahat ng police units sa lalawigan na paigtingin ang kanilang alerto upang hindi na maulit ang paghahasik ng karahasan ng mga NPA. (JESSE KABEL)
141
