ISANG grupo ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang dumulog sa AKOOFW upang iparating ang kanilang sumbong laban sa kanilang employer na ayon sa kanila ay sobrang tuso sa panggugulang ng kanilang mga empleyado.
Ang nasabing grupo ay kinabibilangan nina : Everlyn M. Corcuera, Renalin T. Pajares, Sherilyn Julie, Arlyn A. Maharajun, Jiena Dancil, Shaima M. Gabriel, Ma. Kristina Demesa Aquino, Baby Ruth Bico, Samantha Hajira Mercado, Marilyn Ramos, Ma. Victoria Salvan, Mary Ann Dela Mayao, Rosario R. Hucamis, Lorna V. Sison at Annalyn Lumba Catalan.
Nagtatrabaho ang mga nabanggit na OFW bilang mga cleaner sa ilalim ng kumpanyang kinilalang Esad Manpower Services habang ang kanilang ahensya sa Pilipinas ay ang DLB International Manpower Inc.
Diumano ay natapos na nila ang kanilang kontrata sa kanilang kumpanya noon pang isang buwan. Pero imbes na sila ay pauwiin na ng kanilang employer ay mistula na silang stranded sa kanilang accommodation dahil ayaw pa rin silang ibili ng ticket sa eroplano pauwi ng bansa.
Katwiran ng kanilang employer ay masyado pang mahal ang pamasahe sa eroplano, kung kaya dapat na mag-antay na lamang muna ng pagbaba ng presyo nito sa Agosto. Idinagdag pa ng employer nito na kung ibig nilang makauwi ng mas maaga ay dapat magdagdag sila ng pambayad na mula sa kanilang mga bulsa.
Diumano ay SR1,500 lamang daw ang kanilang budget para sa ticket ng eroplano, kung kaya anuman daw diperensya sa presyo ay dapat na sila na ang magdadagdag nito.
Mariin itong tinutulan ng nasabing grupo ng mga OFW dahil kulang na kulang na nga ang kanilang kinita ay pagbabayarin pa sila ng kanilang plane ticket.
Ayon pa sa kanilang mensahe sa akin ay: “Wala na po kaming inaasahan na sahod kahit po pang food allowance wala kami. Kung maghihintay po kami ng August para sa murang ticket, paano naman po yung kakainin o panggastos namin kung hindi naman po nila kami binibigyan ng pang food allowance. Yung mga overtime nga po namin ay hindi na nila naibigay. Kaya humihingi po kami ng tulong sa inyo at sana po ay matulungan nyo po kami para makauwi na sa mga pamilya namin. Eto na lang po yung inaasahan namin para makauwi ng maaga sa mga pamilya namin… Sana po matulungan nyo po kami” pagtatapos ng kanilang mensahe.
Idinulog ng AKOOFW ang kanilang problema sa ating Labor Attache at sa Welfare Officer upang kahit pansamantalang supply ng pagkain nila ay matulungan sila ng ating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Gayundin ay ating tinatawagan ng pansin ang DLB International Manpower Inc. upang kanilang asikasuhin ang pagpapauwi sa lalong madaling panahon ng kanilang mga deployed na manggagawa. Dapat alalahanin ng nasabing ahensya na obligasyon nila ang pagpapauwi ng kanilang mga deployed na OFW sa oras na matapos nito ang kanilang kontrata dahil malinaw itong nakasaad sa kanilang pinirmahan na kontrata.
Kung magpapatuloy sa pagmamatigas ang employer o Saudi recruitment agency ng DLB International Manpower na Esad Manpower Services ay hihilingin din natin sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) na isama ang kumpanya at ahensya nito sa kanilang Blacklist.
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
214
