TARGET NI KA REX CAYANONG
ISANG makabuluhang hakbang ang isinagawa ng Government Service Insurance System (GSIS) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa tumitinding problema sa trapiko.
Ito’y sa pamamagitan ng kasunduang magagamit ang mga ari-arian ng GSIS para sa layuning direktang makatulong sa solusyon sa matagal nang problema sa trapiko sa Kalakhang Maynila.
Sa kasunduang nilagdaan nina GSIS President and General Manager Wick Veloso, at MMDA Chairman Atty. Romando Artes, na sinaksihan ni MMDA General Manager Procopio Lipana, ipinamalas ang kahalagahan ng pagtutulungan ng dalawang ahensya ng gobyerno.
Aba’y layunin nitong ma-maximize ang paggamit ng mga ari-arian ng GSIS upang makapagbigay ng konkretong benepisyo sa publiko.
Sa ilalim ng kasunduan, mananatili ang MMDA Motorcycle Riding Academy sa Julia Vargas site na pag-aari ng GSIS, bilang bahagi ng kampanya para sa mas ligtas na lansangan sa pamamagitan ng rider education.
Magsisilbi rin itong pansamantalang pasilidad para sa MMDA habang nagpapatuloy ang konstruksyon ng kanilang bagong opisina, upang masiguro ang tuloy-tuloy na operasyon.
Bukod dito, ang GSIS Tumana property sa Marikina ay gagamitin bilang “strategic hub” para suportahan ang traffic management ng MMDA, kabilang ang impounding ng mga sasakyan at iba pang traffic enforcement activities.
Ayon kay GSIS President Veloso, ang kasunduang ito ay sumasalamin sa prinsipyo ng whole-of-government approach, kung saan ang magkakapit-bisig na pagkilos ng iba’t ibang tanggapan ng gobyerno ay magbubunga ng mas epektibong serbisyo para sa publiko.
Tunay na ang ganitong kooperasyon ay patunay kapag nagsanib-pwersa ang mga ahensya ng pamahalaan. Sa pamamagitan nito, mas napalalakas ang kanilang kakayahan upang makapagbigay ng makabuluhan at positibong epekto sa buhay ng mga Pilipino.
Bukod dito, inaasahan na ang kasunduang ito ay hindi lamang magpapagaan sa daloy ng trapiko, kundi magsisilbing huwaran ng mas pinag-isang aksyon ng pamahalaan para sa kabutihan ng lahat.