Gugulong na sa Kamara WALA NANG ATRASAN SA LEONEN IMPEACHMENT

(BERNARD TAGUINOD)

WALA nang atrasan sa impeachment case na kinakaharap ni Supreme Court (SC) Associate Justice Mario Victor “Marvic” Leonen sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Ito ang tiniyak ni House Speaker Lord Allan Velasco sa isang panayam kaugnay ng agenda ng Kamara sa pagbabalik session ng mga ito ngayong araw, Lunes, Mayo 17.

“With the Leonen impeachment, naforward na natin yan sa Rules committee so they have 3 (session) days to be able to refer it to Committee on Justice,” ayon kay Velasco.

Bago natapos ang sesyon ng Kamara noong Marso 25 ay inendorso ni Velasco ang impeachment complaint laban kay Leonen sa tanggapan ni House majority leader Martin Romualdez na siyang chairman ng Rules committee.

Sinabi naman ng House majority leader na babasahin ngayon sa plenaryo ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Leonen para i-refer sa House committee on justice.

Umaasa si Velasco na kapag na-refer na ni Romualdez sa Justice committee na pinamumunuan ni Leyte Rep. Vicente “Ching” Veloso ang impeachment complaint ay agad itong magpapatawag ng pagdinig.

“Definitely chair Veloso, at the helm of committee on justice, sigurado tayo na fair ang magiging trial regarding that impeachment,” ayon pa sa House leader.

Ang Impeachment complaint na unang isinampa ni FLAG Secretary General Ed Cordevilla noong December 7, 2020 ay agad inendorso ni Ilocos 2nd District Congressman Angelo Marcos Barba.

Kasong culpable violation of the constitution at betrayal of public trust ang reklamo ni Cordevilla laban kay Leonen na kapag umakyat ang kaso sa Senado na magsisilbing Impeachment Court at mapatunayang guilty ay matatanggal ang huli sa kanyang puwesto.

Kaugnay ito ng pagtulog umano ng mga kasong hawak ni Leonen, hindi lamang sa Korte Suprema kundi maging sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET kung saan siya ang chairman at hindi paghahain ng Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) habang nagtatrabaho ito sa University of the Philippines (UP) bago itinalaga ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III bilang Associate Justice noong 2012.

Base sa impeachment rules, hindi na kailangang magsagawa ng mahabang pagdinig ang Justice committee kapag umabot sa ¾ miyembro ng Kamara ang mag-endorso sa reklamo at agad itong iaakyat sa Senado para litisin.

202

Related posts

Leave a Comment